SINABI ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na maaari siyang magpatupad ng panibagong lockdown, kapag muling sumirit ang coronavirus infections dahil sa mas nakahahawang COVID-19 variants at paglabag sa “health protocols.
Ang bago at mas nakahahawang coronavirus variants ang dahilan kung bakit nagdo-doble ang kanilang trabaho para pigilan ito.
“Ang pag-asa natin is really the obedience, parang boy scout. You want to end the danger of COVID-19 engulfing this country. Kapag hindi, [m]apipilitan talaga ako na to impose lockdowns and everything,” ayon kay Pangulong Duterte.
Sa ulat, natukoy pa ang karagdagang 31 iba’t ibang COVID-19 variants mula sa 37 samples na isinailalim sa genome sequencing, ayon sa ulat ng Department of Health, UP-Philippine Genome Center at UP-National Institutes of Health kahapon.
Kabilang dito ang 10 B.1.617.2 (Indian variant), 13 B.1.1.7 (UK variant) pitong B.1.351 (South Africa) at isang P.3 (Philippines).
Sa pinakahuling sequencing ay kabilang ang samples mula sa crew members ng MV Athens Bridge, returning overseas Filipinos (ROFs) na may travel history, deceased severe o critical COVID-19 cases.
Ang 10 B.1.617.2 variant cases ay karagdagan sa 2 pang kasong naiulat nitong Mayo 11. Sa 10 kaso, isa rito ang seafarer na nanggaling sa Belgium at ang siyam ay crew ng MV Athens Bridge.
Samantala, karagdagan pang 13 UK variant cases ang natukoy sa bansa, kabilang dito ang tatlong ROFs at 10 local cases. Isa sa mga ito ang namatay habang ang 12 naman ay nakarekober na.
Sa pitong South Africa variant, dalawa ang ROFs, dalawa ang local cases, at tatlong kaso ang kasalukuyan pang biniberipika kung sila ay local o ROF cases. (CHRISTIAN DALE)
153 