Bago maghalalan P13.568-B DILG FUNDS, PINAUUBOS SA LGUs

IPINAUUBOS ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang P13.586 bilyong natitirang hawak nitong pondo para sa mga proyektong pang-imprastraktura at iba pa ng local government units (LGUs).

Batay sa batas, bawal nang maglabas ng pera ang anumang kagawaran at ahensya ng pamahalaan kahit sa ‘lehitimong’ proyekto pa ito gagamitin kapag nagsimula na ang eleksyon.

Naglabas nitong Mayo 25, si DILG Secretary Eduardo Año ng kalatas na humihikayat sa LGUs na kumuha ng pondo mula sa P13.586 bilyong Local Government Support Fund-Financial Assistance to Local Government Units (LGSF-FALGUs) upang magamit sa kanilang mga proyekto para sa imprastraktura at ibang proyektong makapagbabago sa kani-kanilang nasasakupan.

Upang pumasa at makatanggap ng pondo, kinakailangang maghain ng “documentary requirements” ang LGUs sa DILG bago sumapit ang Hunyo 30.

Ipinaliwanag ni Año na: “Nakalaan talaga para sa inyo ang pondong ito. Kaya samantalahin ninyo ang pagkakataon para masimulan ninyo ang pagpapatupad mahahalagang proyekto [tungo] sa pagbangon ng ekonomiya sa inyong mga lugar”.

Anang kalihim, ang LGUs na limitado ang natatanggap na Internal Revenue Allotment (IRA) mula sa pambansang pamahalaan ay maaaring gamitin ang kanilang pondong galing sa LGSF-FALGUs upang maisakatuparan ang kanilang mga proyekto.

Ang mga proyektong maaaring ipagawa gamit ang pondo ng LGSF-FALGUs ay ang pagpapagawa ng mga kalsadang pag-aari g LGUs, tulay, pampublikong pamilihan, multi-purpose buildings, multi-purpose pavements, kanal, patubig at iba pa.

Ang P13.568 bilyon ay iba pa sa ipinagtanggol ng DILG na P12.3 bilyong pera na inilabas ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na gagamitin sa 1,750 proyekto sa 617 barangay sa iba’t ibang panig ng bansa ngayong taon. (NELSON S. BADILLA)

241

Related posts

Leave a Comment