SUMUGOD sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual, transgender, queer and intersex o LGBTQ+ upang ipanawagang imbestigahan ang pagpatay sa transgender na si Ebeng Mayor sa Quezon City.
Bukod dito, nangalampag din ang nasabing grupo sa Kongreso para ipasa na ang SOGIE bill o Sexual Orientation and Gender Identity Expression Equality bill upang maproteksyunan ang mga tulad nila na patuloy na nakararanas ng karahasan.
Bitbit ang mga placard na naglalaman ng mga katagang “Stop Trans Killings,” nais ng grupo na imbestigahan ang pagkamatay ni Mayor na pinaniniwalaang bahagi ng tinatawag na hate crimes sa kanilang hanay.
Base sa mga report, si Mayor ay natagpuang walang buhay sa Sitio Bakal, Barangay Bagong Silangan, Quezon City noong Huwebes, Mayo 20, at may indikasyon na brutal na pinaslang ito bukod sa ginahasa.
Nahuli na ng Philippine National Police (PNP) ang mga suspek na sina Zander Gal Dela Cruz, Joel Montoban Loyola, at Richard Elvin Delima Araza na nahaharap sa kasong rape with murder at illegal possession of firearms.
Agad namang sinuportahan ng mga militanteng mambabatas ang panawagan ng LGBTQ+ community na imbestigahan ang kaso ni Mayor at maging ang panawagan ng mga ito na ipasa na ang nasabing panukala.
Maging si Deputy Speaker Bernadette Herrera ay umapela kay House Speaker Lord Allan Velasco na payagang imbestigahan ng kaukulang komite sa Kamara ang pagkamatay ni Mayor.
“Nakikiusap ako sa liderato ng Kamara, kay Speaker Lord Allan Velasco at sa mga pinuno ng House Committee on Women and Gender Equality, Committee on Justice, Committee on Revision of Laws, at Committee on Public Order and Safety upang isulong ang isang masusing imbestigasyon, in aid of legislation, sa mga karahasan na nararanasan ng mga kasapi ng LGBTQ+ community, kabilang na ang rape-murder kay Ebeng Mayor ng Quezon City,” ani Herrera. (BERNARD TAGUINOD)
208 