INOOBSERBAHAN sa pinagdalhang ospital ang isang 19-anyos na miyembro ng Commando Gang, nang mabaril ng mga tauhan ng Manila Police District nitong Martes ng madaling araw.
Mula sa Tondo General Hospital, inilipat sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng tama ng bala sa katawan ang suspek na kinilalang si Jordan Cortesiano y Dagal, binata, ng #1010 F. Yuseco St., sakop ng Brgy. 232, Zone 21.
Samantala, nakatakas naman ang kasamahan nitong si alyas “CJ Geronimo,” 23, binata, residente sa Pacheco St., Brgy. 91, Tondo.
Batay sa ulat ng MPD- Criminal Investigation Section ng Raxabago Police Station 1, bandang alas-12:00 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa Herbosa St. malapit sa panulukan ng Velasquez St. sa Tondo.
Ayon kay P/SSgt. John Pierre Bautista, nagsagawa sila ng follow-up operation hinggil sa pagkawala ng electric bike na may sidecar matapos umanong nakawin noong Mayo 23 sa tapat ng isang bahay sa #517 Pacheco St., Tondo.
Nakita sa kuha ng CCTV ng barangay na si Cortersiano ang tumangay ng e-bike na may sidecar kasama ang dalawang angkas nito.
Noong Mayo 24, bandang alas-11:00 ng gabi nang mamataan ang nawawalang e-bike habang naka-park sa Capulong St. sa Tondo.
Tinungo ito ng mga pulis ngunit nang makatunog na may mga operatiba sa lugar ay mabilis na tumakbo ang mga suspek.
Habang hinahabol ay nagpaputok umano ang mga suspek naging dahilan upang gumanti ng putok ang mga awtoridad. Tinamaan ng bala si Cortesiano habang nakatakas si Geronimo. (RENE CRISOSTOMO)
211 