SYUT sa kulungan ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga makaraang madakip ng mga pulis habang naglalaro ng cara y cruz na ang taya umano ay shabu, sa Valenzuela City nitong Martes ng madaling araw.
Kinilala ni Valenzuela Police chief, Col. Ramchrisen Haveria Jr. ang mga arestado na sina Jose Felipe Taller Jr., ng Brgy. Bignay, at Dankeano Fabularum, 23, ng Dulong Tangke, Brgy. Malinta.
Ayon sa imbestigasyon ni P/Cpl. Pamela Joy Catalla, nagresponde ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Joel Madregalejo, makaraang makatanggap ng impormasyon hinggil sa nangyayaring illegal gambling sa isang alley sa Dulong Tangke, Brgy. Malinta kung saan kabilang umano sa taya ay shabu.
Pagdating sa lugar dakong ala-1:00 ng madaling araw, naaktuhan ng mga operatiba ang mga suspek na naglalaro ng cara y cruz na nagresulta sa pagkakaaresto kina Taller at Fabularum habang nakatakas ng iba. (FRANCIS SORIANO)
636 