LUMUSOT na sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na magkaroon ng libreng annual check-up ang lahat ng mga Filipino lalo na ang mahihirap.
Sa pamamagitan ng viva voce voting, pinagtibay ang House Bill (HB) 9072 o An Act Establishing a free annual medical check-up sa lahat ng Filipino na inakda ni Defensor.
“Ang bill na ito ay basically binibigyan natin ng check-up annually as part of PhilHealth program para magkaroon tayo ng preventive measures at hindi na lumala ang kanilang mga sakit,” ani Defensor sa kanyang sponsorship speech.
Ginawa ni Defensor ang pahayag dahil marami aniyang mga Filipino ang walang kakayahang magpa-check-up dahil sa kahirapan ng buhay lalo na ang mga nasa malalayong lugar.
Dahil dito, marami sa mga Filipino ay hindi alam na mayroon silang sakit tulad ng heart disease na siyang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga tao sa bansa.
Nangunguna rin aniya sa sakit sa Pilipinas na nagiging dahilan ng pagkamatay ng mga Pinoy ang high blood dahil sa mataas na cholesterol kung saan isa sa bawat 2 Filipino ay apektado nito nang hindi nila nalalaman dahil hindi sila nagpapa-check-up.
“Mr. Speaker every year ang namamatay ay about 500,000 to 600,000 at karamihan sa kanila ay may relasyon sa mataas na cholesterol pero dahil sa kahirapan, wala pong access sa doctor, walang access sa laboratoryo hindi sila nagkakaroon ng check-up at hindi nalalaman na ganito na ang kanilang sitwasyon,” ani Defensor.
Kasunod aniya ito ng China, Indonesia, Japan at Thailand sa may pinakamataas na bilang ng diabetes cases sa Asya na ikaanim sa pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Filipino.
Sa katunayan aniya, umaabot sa 6 million Filipinos ang may diabetes base sa report ng Philippine Center for Diabetes Education Foundation noong 2016.
Bukod dito, mananatiling banta umano ang cancer at iba pang sakit na karaniwang huling natutuklasan dahil sa kawalan ng regular na check-up. (BERNARD TAGUINOD)
400 