Kahit sa brand ng bakuna PINOY MAS PABOR SA ‘STATESIDE’

TANGGAP ng Malakanyang na mas maraming Filipino ang humahanga sa mga produktong ‘stateside’ kaya hindi na ito nagulat sa lumabas na survey ng Social Weather Station (SWS) na mas nais ng mayoryang Pinoy ang mga bakunang ginawa sa Estados Unidos.

Sinasabi kasi sa survey na 63% ng mga Filipino ang mas pabor sa paggamit ng mga US-manufactured vaccine.

“Well, naintindihan naman po natin ‘yan ‘no na talaga namang sa ating kasaysayan ay ang mga Pilipino ay mas humahanga sa mga stateside ‘no. Pero ang mensahe lang po natin, bagama’t mayroon na tayong kakaunting mga stateside na mga bakuna, hindi po iyan sapat para sa lahat,” ayon kay Sec. Roque.

Kaya ang panawagan ng pamahalaan sa publiko ay unahin ang buhay, pamilya at komunidad sa pamamagitan ng pagpapabakuna kung ano ang available na brand.

“Ang panawagan namin eh meanwhile nandiyan na po iyong mas nakakahawa at mas nakakamatay na mga new variants. So bagama’t mayroon tayong preference sa stateside, unahin na muna po natin ang ating mga buhay, ang buhay ng ating pamilya, ang ating komunidad – magpabakuna na po kung ano available,” aniya.

Sa kabilang dako, tila wala namang dapat pang gawin ang pamahalaan para mapansin ng mga Filipino ang mga bakunang gawa ng Japan, United Kingdom, Canada, Germany, Korea at India na may mababang porsiyento sa kapareho pa ring survey ng SWS.

Batay sa survey ng SWS, lumabas na 63% ng mga Filipino ang mas pabor sa paggamit ng mga US manufactured vaccine.

Habang 19% naman ang mas pabor sa mga bakunang likha ng Japan, 13% naman para sa United Kingdom, 12% sa Canada, 12% sa Germany, 6% sa Korea at 3% naman para sa India.

Samantala, 2% naman ang sumagot na pabor silang gamitin ang bakuna alinman sa mga nabanggit na bansa ito nagmula, habang 12% ang tumangging sumagot.

Isinagawa ang survey sa 1,200 adult Filipinos noong Abril 28 hanggang Mayo 2. (CHRISTIAN DALE)

378

Related posts

Leave a Comment