Paggamit ng preso sa drug operations nabunyag sa Senado PDEA AGENTS ‘KONEKTADO’ SA BIGTIME DRUG LORD

(NELSON S. BADILLA)

NATUMBOK sa pagdinig sa Senado na ‘konektado’ sa nakakulong na big time drug lord ang ilang tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nakabarilan at nakipagpatayan sa mga tauhan ng Quezon City Police District-District Operations Unit (QCPD-DSOU) sa ‘nasunog’ na drug operation noong Pebrero 24 sa Quezon City.

Sa nasabing petsa, nakumpirmang mayroong buy-bust operation ang QCPD-DSOU kung saan ang nakatransaksiyon ay ang isang “James Tan”, batay sa mga pahayag ni Cesar Bacani, direktor ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR), sa Senado.

Ani Bacani, ang nakipag-usap sa kampo ni Tan para sa QCPD-DSOU ay si “Jonaire Decena”.

Si Decena ay bilanggo ng DSOU dahil sa kasong ilegal na droga. Ito ang dahilan kung bakit naging asset ng QCPD-DSOU.

Ganito rin ang inilabas na balita ng SAKSI Ngayon.

Ngunit, nilinaw ni Bacani sa Senado na hindi direktang kausap ni Decena si Tan, kundi ang PDEA asset na nakilalang si “Untong Matalnas” na may mga alyas na “Bato” at “Intsik”.

Si Matalnas ay kasama ng mga ahente ng PDEA na nakipagbarilan sa tropa ng QCPD-DSOU noong Pebrero 24.

Sabi ni Bacani sa Senado, si Matalnas ang nagsasalita para kay Tan, samantalang si Decena naman ang nagsasalita para sa QCPD-DSOU.

Ngunit, nilinaw ni Bacani na si Matalnas ay ‘hinayaan’ ng PDEA na makipagtransaksyon sa QCPD-DSOU sa ngalan ni Tan.

Kasama ni Matalnas ang mga ahente ng PDEA patungkol sa drug operation ng QCPD-DSOU.

Inamin noong Pebrero 24 ni PDEA Spokesman Derrick Carreon na lehitimo ang drug operation ng PDEA noong Pebrero 24.

Ibinalita rin noon ng SAKSI Ngayon na ang orihinal na lugar ng operasyon ng PDEA ay malapit sa Litex.

Parehas din ito sa lugar ng paglulunsaran ng buy-bust operation ng QCPD-DSOU.

Napunta sila sa parking area ng kilalang food chain na matatagpuan sa kahabaaan ng Commonwealth Avenue dahil nasiraan ng kotse ang tropa ni Matalnas.

Kung babalikan ang mga naunang balita ng SAKSI Ngayon hinggil sa kontrobersiyang ito, si Matalnas ang nakita sa CCTV footages na lalaking nakatayo sa tabi ng pintuan ng kotseng puti na pumarada sa parking area ng food chain sa nasabing lugar.

Si Matalnas din ang naringgan ni Decena na nagsabing “pulis ito” nang lumapit ang nakasilbayang si QCPD-DSOU Corporal Elvin Garido sa mga ahente ng PDEA.

Matapos magsalita ni Matalnas ng pulis ito na tumukoy kay Garido ay biglang nagkabarilan ang mga tauhan ng PDEA at QCPD-DSOU.

Namatay sina Garido at Matalnas sa naturang engkuwentro.

Mga taga-PDEA ang bumaril at nakapatay kay Garido.

Sila ang mga kasama ni Matalnas sa operasyon laban sa QCPD-DSOU.

Ngunit, hindi matukoy sa imbestigasyon ng NBI kung sino ang nakapatay kay Matalnas, banggit ni Bacani sa Senado.

Sa nasabing pagdinig, ibinunyag ni Bacani na hindi totoong si Tan ang katransaksyon ni Decena sa ilegal na droga noong Pebrero 24, kundi isang “Melvin Magallon”, alyas “Paopao”.

Si Magallon ay nakakulong sa Sablayan Penal Colony sa Occidental Mindoro.

Ani Bacani, “nu’ng sinabmit sa amin ng PNP (Philippine National Police) ‘yung conversation ni Jonaire at saka ni James Tan, nag-human intelligence kami [kung saan] na-locate namin na sa Sablayan Penal Colony [nanggaling] ‘yung tawag [kay Decena]”.

Pero, idiniin ni Bacani na si Magallon ang siyang nakakausap ni Decena nu’ng una.

Tapos, ang litrato na lumalabas sa cellphone ni Decena habang kausap si Magallon ay mukha ni Tan.

Ang totoong pangalan ni Tan ay Reynato Peña. Ang mga alyas nito ay James Tan at “Yamashita Arigato”.

Samakatuwid, ginamit lang ni Magallon si Pena, o Tan.

Ngunit, hindi natukoy sa Senado ang dahilan.

Pinatunayan ni Bacani ang kanyang mga pahayag, sa pamamagitan ng paghahain sa Senado ng mga katibayan ng pag-uusap at text messages ng dalawa sa cellphone.

Inamin ni PDEA Director General Wilkins Villanueva sa parehong pagdinig sa Senado na si Magallon ang “kausap” ni Matalnas.

“[H]indi naman diretso si Mama Jo (alyas ni Decena). ‘Yung mga operation namin before [ay] si Paopao na nakalagay sa Sablayan [ay] ‘yun ang sinasabi nilang James Tan,” paliwanag pa ni Villanueva.

Natumbok din sa Senado na ang numero ng cellular phone na ginagamit ni Tan at Magallon ay iisa.

Kapansin-pansing iba ang pahayag ni Villanueva sa nadiskubre ng NBI sa imbestigasyon nito sa madugong engkuwentro sa pagitan ng mga operatiba ng PDEA at tauhan ng QCPD – DSOU sa drug operation noong Pebrero 24.

Nangako si Bacani sa Senado na tatapusin nila ang kanilang imbestigasyon sa loob ng dalawang linggo.

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 25 na mag-imbestiga ang NBI makaraang marinig ng pangulo ang magkasalungat na bersiyon nina Villanueva at noo’y hepe ng PNP na si General Debold Sinas.

Nagretiro si Sinas noong Mayo 8 dahil inabot niya ang edad 56, kung saan obligadong magretiro ang mga opisyal ng PNP.

379

Related posts

Leave a Comment