NAHAHARAP sa patong-patong na kaso ang isang 26-anyos na modelo makaraang manakit ng isang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa Malate, Manila noong Huwebes ng umaga.
Kasabay nito, umapela si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa lahat ng motorista na dumaraan sa lahat ng kalye sa lungsod na sumunod sa batas trapiko at huwag na huwag mananakit ng traffic enforcers na ginagawa lamang ang kanilang tungkulin.
Kasabay nito, pinuri ng alkalde si Marcos Anzures, Jr., 35, miyembro ng ng MTPB dahil sa pagpapairal nito ng maximum tolerance sa gitna ng pananakit sa kanya ng isang babaeng motorista na kanyang hinuli dahil sa traffic violations.
Bunsod nito, binigyang direktiba ng alkalde si P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., hepe ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) na sampahan ng kaso ang suspek na kinilalang si Pauline Mae Altamirano, residente sa Unit 8E, Tres Palmas, Taguig City at #182 Rizal St., Rizal Village, Paciano Rizal, Calamba, Laguna.
Base sa ulat ni Ibay, ang reklamong isinampa ni Anzures laban kay Altamirano ay base sa insidenteng nangyari sa panulukan ng Osmeña Highway at San Andres St. sa Malate bandang alas-8:05 ng umaga.
Salaysay ni Anzures, namataan nila ang puting Toyota Fortuner (NAX-2723) na minamaneno ng suspek na dumiretso kahit naka-red ang traffic light.
Bunsod nito, sinenyasan nila ang driver na ihinto ang sasakyan ngunit itinuloy ng suspek ang pagpapatakbo kaya hinabol nila ito hanggang makorner sa Osmeña Highway at Estrada St. sa Malate.
Nang utusang ilabas ang driver’s license ay hindi tumalima ang suspek. Tiyempong dumaan ang isang police mobile car kaya nakahingi ng tulong si Anzures at kasama nitong isa pang traffic enforcer na si Rowell Echalar, kaya napilitan ang suspek na ilabas ang photocopy ng OR/CR ng sasakyan ngunit walang naipakitang driver’s license.
Sa puntong iyon, inatasan ng dalawang traffic enforcer ang suspek na sumunod sa kanila sa impounding area ngunit sa halip na sumunod ay bumaba ito ng sasakyan at sinuntok, sinampal at kinuwelyuhan si Anzures habang pilit na binabawi ang iprinisentang OR/CR ng sasakyan.
Gayunman, nanatiling nakatayo lamang si Anzures at hindi ibinalik ang dokumento sa suspek.
Pagkaraan ay nagkulong ang suspek sa sasakyan at ayaw buksan ang bintana. Dahil dito, humingi ng tulong ang dalawang traffic enforcer kay Ibay na nag-utos na hilahin ang sasakyan kahit nasa loob ang suspek.
Ang sasakyan ay dinala sa Manila City Hall kung saan inutusan ni Ibay ang isang babaeng pulis na kausapin ang suspek na napapayag na lumabas ng sasakyan at inaresto.
Bukod sa driving without driver’s license, ang suspek ay nahaharap din sa kasong paglabag sa Section 19 ng RA 4136, Article 148 (Direct Assault) at Art. 151 (Resistance and Disobedience to a Person in Authority or the Agent of Such Person) ng Revised Penal Code. (RENE CRISOSTOMO)
525
