LAGUNA TRAFFIC HEAD TIMBOG SA EXTORTION

LAGUNA – Arestado sa entrapment operation ang hepe ng Laguna Traffic Management Office (LTMO) matapos na ireklamo ng pangongotong ng truck drivers at mga negosyate ng gravel and sand na dumaraan sa lalawigang ito.

Dinakip noong Huwebes ng hapon ng mga tauhan ng PNP IMEG- Luzon Field Unit, 35th SAC PNP SAF at RIU 4A ang suspek na si Marino Garcia sa entrapment operation sa isang gasoline station sa Brgy. Calo, Bay, Laguna.

Si Garcia na retiradong pulis at kasalukuyang TMO chief ng Laguna, ay inaresto sa aktong tinatanggap ang P5,000 extortion money mula sa complainant na truck driver.

Modus ng suspek na ipahuli sa traffic enforcers ang mga truck na kargado ng mga buhangin at graba kapag dumaraan sa national highway ng Laguna sa bayan ng Bay kung saan pumupwesto ang mga ito.

Bagama’t may naipakikitang legal na permits at delivery receipts ang mga driver na nanggaling sa tanggapan ng gobernador ng Batangas Province kung saan kinukuha ang mga kargamento, ay hindi ito ino-honor ng suspek at sa halip ay pwersahang pinagbabayad ang mga driver ng P5,000 nang walang resibo para i-release ang kanilang mga truck.

Ayon sa mga driver, laking kabigatan ito sa kanila dahil sa kanila ito ibinabawas ng mga may-ari ng trucking services.

Sa patuloy na pangongotong, hiningian pa umano nito ang bawat operator ng weekly payola na P10,000 na makalipas lamang ang ilang araw ay itinaas sa P40,000 kada linggo bilang protection money at malayang pagdaan sa mga checkpoint.

Nakakulong na ang suspek sa LFU IMEG facility habang inihahanda ang patong-patong na mga kaso laban dito. (NILOU DEL CARMEN)

297

Related posts

Leave a Comment