BINATIKOS ni Senadora Mary Grace Poe ang Department of Transportation and Communication (DOTr) at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) dahil sobrang kupad ng implementasyon nito sa ayuda para sa mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan.
“The rollout of the service contracting program is happening at a sluggish pace that denies our public utility vehicle (PUV) drivers and transport sector workers a decent income amid the pandemic,” banat ni Poe.
Ang pinuno ng DOTr ay si Secretary Arthur Tugade, samantalang ang hepe ng LTFRB ay si Atty. Martin Delgra III.
Ayon kay Poe, sa Hunyo 30 ang huling araw ng implementasyon ng “service contracting program” na nakatoka sa DOTr at LTFRB, hanggang kasalukuyan ay P461.8 milyon pa lamang ang naipamamahagi sa mga benepisaryo ng ayuda mula sa P5.58 bilyon.
Ang service contracting program ay bahagi ng Bayanihan to Act as One, o Bayanihan 2, na sinimulang ipatupad noong setyembre 2020.
Isinama ang P5.58 bilyong ayuda sa mga parte ng sektor ng pampublikong transportasyon dahil napatunayan ng mga mambabatas na nawalan sila ng kita simula nang umatake ang coronavirus disease-2019 (COVID-19) sa bansa noong Marso 2020.
Nagbunsod ito upang mapilitang mamalimos ang mga tsuper ng dyip sa Quezon City at lungsod ng Caloocan dulot ng kawalan ng kita.
Kahit wala nang nakikita ang media na mga tsuper na namamalimos, hindi nangangahulugang malaki na ang kita ng mga miyembro ng sektor ng pampublikong transportasyon.
Idiniin ni Poe na: “With the availability of all appropriations under Bayanihan 2 law only until June 30, 2021, the distribution of the assistance to the intended beneficiaries must be made within about a month”. (NELSON S. BADILLA)
205
