PINABUBUSISI ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Department of Health (DOH) ang pagtanggap ng COVID-19 vaccine ni dating Defense Sec. Gilbert “Gibo” Teodoro sa Davao City nitong Huwebes kasunod ng “pagbisita” niya kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
“We have coordinated with the regional office, sila ay magpapalabas ng paliwanag tungkol dito,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“But nevertheless, kami ay naniniwala na ang regional office sa Davao, they follow our protocol. Titingnan natin kung ano yung ibibigay nilang information para hindi nag-aagam-agam ang ating mga kababayan.”
Lehitimong taga-Tarlac si Gibo Teodoro at hindi residente ng Davao City kaya may ilang kumukwestyon sa pagpapabakuna nito sa lugar ng mga Duterte.
Pinagdududahan din ang dating kalihim na nagpapadrino kay Mayor Sara kaya ito nabakunahan sa nasabing lugar.
Sinasabing pasok naman si Teodoro sa A3 o grupo ng may comorbidity at wala ring batas na nagbabawal sa pagtanggap ng indibidwal ng COVID-19 vaccine sa lugar na hindi siya residente.
Ayon kay Vergeire, hindi naman nila ipinagbabawal ang nangyari dahil ang mahalaga ay masunod ang prioritization framework ng pamahalaan.
“Kailangan natin magpatupad nitong portability na kung pupunta ka sa isang lugar maaari kang bakunahan kung doon ka na temporary nag-stay.”
“We are not so much strict sa geographic limitation, ang sa atin lang yung prioritization framework ipatupad lang,” ani Vergeire.
Sa ilalim ng DOH Memorandum No. 2021-0099, hindi pinapayagan ang “walk-in” vaccination.
Kaugnay nito, nilinaw ng DILG na legal ang pagpapabakuna ng mag-anak na Muhlach sa Muntinlupa City.
Tugon ito ng kagawaran sa pagkuwestyun sa pagbabakuna sa buong pamilya ng aktor na si Aga Mulach sa naturang siyudad.
Ayon kay Usec. Jonathan E. Malaya, DILG Official Spokesperson, hiningan nila ng paliwanag ang Muntinlupa City Government hinggil sa pagkakaloob ng COVID-19 vaccine sa mag-asawang Aga at Charlene Gonzales-Muhlach at sa dalawa nilang anak.
Paliwanag ng DILG, kuwalipikado naman ang pamilya Muhlach na tumanggap ng bakuna sa ilalim ng itinakdang protocols ng DOH.
“They are bonafide residents of Muntinlupa City. They enrolled at the MUNCOVAC registration portal under A3 category. Most importantly, they submitted medical certificates/clearance from their attending physician at Asian Hospital and Medical Center to prove that they have co-morbidities. The medical certificate was verified by the Muntinlupa City Health Office with the said hospital,” paliwanag ng nabangit na LGU sa DILG.
Kaya wala umanong nakitang violation ang kagawaran sa mga regulasyon na itinakda ng DOH o IATF. (JESSE KABEL)
194 