TINANONG ko sa isang press conference ang isang administration congressman kung paasa lang, o hindi, ang Bayanihan Act 3 na kanilang ipinasa dahil walang certification mula sa gobyerno na naggagarantiya na may pagkukunan ng pondo para rito.
Kahit alam kong sasabihin nila na hindi paasa ang Bayanihan 3, itinanong ko pa rin.
Pero, sa nakikita ko, mukhang paasa ang pet bill na ito ng liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso.
Panay ang pressure ng Kamara de Representantes sa gobyerno, lalo na ang Bureau of Treasury (BTr), na maglabas ng certification na may pagkukunan sa P405.5 bilyon na una nilang proposed budget sa panukalang Bayanihan 3.
Hindi sila pinansin ng BTr dahil walang plano ang gobyerno na isakripisyo ang ibang proyekto na nakapaloob sa 2021 national budget para pondohan ang Bayanihan 3.
Ibinaba ang pondo sa P401 bilyon, pero hindi pa rin dumating ang BTr certification.
Ipinasa pa rin ng mga kongresista ang panukalang batas sa ikatlo at huling pagbasa bago isinara ang second regular session ng 18th Congresss kahit tinabla ng Malacanang ang kanilang hirit na sertipikahan ito bilang urgent bill.
Dahil walang sertipikasyon si Pangulong Rodrigo Duterte, hindi inaksyunan ng mataas na kapulungan ng Kongreso, o ng Senado, ang kahalintulad na panukala.
Ang sabi ng mga senador, baka sa Agosto na nila maasikaso ang panukalang Bayanihan Act 3.
So, paasa ang panukalang ito dahil ang inaakala ng mga tao, sa lalong madaling panahon ay makatatanggap ulit sila ng ayuda sa ikatlong pagkakataon habang naghihirap sila sa pandemya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Akala ng mga tao, may matatanggap silang P2,000 sa gobyerno ngayong Hunyo at Agosto.
Pero, ang ayudang inaasahan ay hindi mangyayari kahit sa Setyembre 2021, sakaling sa Agosto pa lamang aaksyunan ito ng mga senador dahil hindi tiyak na mapopondohan ito.
Bibigyan daw kasi ng tig-P2,000 ang bawat Filipino, bagong panganak man, paslit pa lang, nakakatanda at matatanda, kaya pinaglaanan ng P216 bilyon ang nasabing panukala.
Kahit ang mga mayayaman isinama sa panukala, pero alam naman natin na hindi ‘yan pag-iinteresan ng mga mayayaman at may kaya sa buhay, lalo na kung pahirapan ang pagkuha ng ayuda.
Pero, isinama pa rin sila kasi bahagi sila ng populasyon.
Wala sigurong nakasakay sa magarang sasakyan, nakatira sa malalaking bahay ang pipila sa barangay hall para kunin ang kanilang P1,000 sa unang buwan at panibagong P1,000 sa ikatlong buwan.
Akala rin ng mga maliliit na negosyante na tutulungan sila ng gobyerno sa pagpapasahod sa kanilang mga empleyado dahil may pondong inilaan para ayudahan ang micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Akala ng mga nawalan ng trabaho, mayroon silang matatanggap na P5,000 hanggang P8,000 ayuda mula sa gobyerno, pero hindi ‘yan mangyayari ngayong Hunyo hanggang Agosto dahil wala raw pondo.
So, anong tawag natin d’yan?
Paasa hindi ba?
Kung sabagay, mga pulitiko nga pala ang mga kongresista na mahilig mangako at magpaasa, pero hindi tinutupad kapag naluklok na sa kapangyarihan.
Sa Southeast Asia, tayo ang isa sa pinakababang ayudang natanggap sa gobyerno mula nang magkaroon ng pandemya.
Kaya, umaasa ang mga tao na makakatanggap ulit sila ng tulong, pero kung paaasahin ang mga ito sa wala, masakit ‘yun sa mamamayan.
144 