MAAARING panagutin sa kasong murder ang mga may sakit na COVID-19 na hindi nag-iingat para hindi makahawa ng iba.
Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Lunes ng gabi ay tila pinaboran ng Chief Executive ang mungkahi ni Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo na may mabibigat na parusa na maaaring ipataw sa mga patuloy na lumalabag sa health protocols na itinakda ng gobyerno.
“Kasi iyong unang sitwasyon hindi niya alam na may sakit siya, baka nahawa lang siya, kaya kung iyon po ay namatay pupwede iyon pumasok sa homicide. Pero kung maselan ito na sugat o injury, maaaring reckless imprudence resulting to physical injury or depende kung serious or less serious. Pero kung alam niya, at pumunta sa isang lugar at may sakit siya ng coronavirus, at namatay, ay iyan po ay talagang sadyang pagpatay iyan. Iyan po ay papasok sa murder sapagkat intentional,” paliwanag ni Panelo.
Ang naging tugon naman ng pangulo ay “Iyong sabi mong murder, although medyo malayo siguro sa isip ng tao iyan, but it is possible. If he knows that he is sick with COVID-19, and he goes about nonchalant, papasyal-pasyal ka lang diyan. You are maybe if it is intentional, malayo iyan. Pero it could be murder sabi ni Sal. At iyang reckless imprudence, mas swak doon sa sitwasyon na iyon.”
Bukod sa homicide at murder, puwede rin aniyang mapanagot ang mga sumusuway sa health protocols sa mga kasong resistance or disobedience to authorities at paglabag sa Republic Act No. 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act, ayon kay Panelo.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Department of the Interior and Local Government Sec. Eduardo Año na may mga naitatala pa rin ang Philippine National Police na mga paglabag sa health protocols.
Sa katunayan aniya ay pumalo na sa 50,021 ang hindi nagsusuot ng face mask, habang nasa 613 ang dumalo sa mga mass gathering. Mayroon ding 13,882 na lumabag sa physical distancing. (CHRISTIAN DALE)
189 