(CHRISTIAN DALE)
GOOD news sa mga lolo at lola na fully-vaccinated na dahil papayagan na silang lumabas ng bahay.
Gayundin, magandang balita sa gym fanatics at mahihilig sa indoor non-contact sports dahil pinayagan na ng Inter-Agency task Force (IATF) ang mga ito na mag-operate sa 30% venue capacity sa National Capital Region (NCR) Plus areas.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, nagpulong nitong Huwebes, Hunyo 10 ang IATF kung saan pinayagan na nga ang pagbubukas ng gyms at fitness studios at iba pang indoor non-contact sports venues na may Safety Seal Certifications katulad ng skating rinks, at racket sports courts sa NCR Plus areas at 30% venue capacity.
“Uulitin ko po huh? hindi po ibig sabihin bukas na ang gyms. Kinakailangan na kumuha muna sila ng Safety Seal Certifications galing po iyan sa DTI at sa DoH bago sila makapagbukas,” ang pahayag ni Sec. Roque.
Pinayagan na rin aniya na magbukas ang mga historical sites at museums sa NCR Plus areas sa 20% venue capacity.
Kailangan lamang aniyang sumunod sa health and safety protocols.
Kailangan din ang pagsang-ayon ng local government unit kung saan matatagpuan ang mga sites na ito.
Subalit, bawal pa rin aniya ang guided tours sa historical sites at museums.
Pinayagan din aniya ng IATF na lumabas na ang mga fully vaccinated senior citizen sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine at Modified General Community Quarantine.
“Puwede nang lumabas sina lolo at lola. Iyon nga lamang, “subject” ito sa mga kondisyon katulad ng presentasyon o pagpapakita ng duly issued COVID-19 vaccination card, at pagsunod sa minimum public health standards.
‘Kaya mga lolo at lola, kung naiinip sa bahay ay magpabakuna na po tayo,” ang paghikayat ni Sec.Roque.
Ipinagbabawal pa rin aniya sa mga fully vaccinated senior citizens ang interzonal travel maliban sa nauna nang pinayagan na point-to-point travel.
“Speaking of fully vaccinated individuals, inamiyendahan ng inyong IATF ang guidelines ng inbound international travel to any port of the Philippines of all fully vaccinated individuals who have been vaccinated in the Philippines lamang po huh? na nakasaad sa IATF Resolution No. 119,” ayon kay Sec. Roque.
Una na aniya ay nilagyan ng “date of effectivity in the abovementioned guideline, which is, June 16, 2021.”
Pangalawa, nilinaw at ipinaliwanag mabuti ng IATF na kailangang dala o hawak ng isang fully vaccinated individual ang kanyang vaccination card na kailangan aniyang ma-verify bago pa ito umalis ng bansa at bago pa aniya ang kanyang boarding.
Kailangan din aniya na mabigyan ito ng certification bago ang kanyang departure.
Ang certification aniya na ito ay manggagaling sa Department of Information and Communications Technology o City Health Officer ng local government unit na nag-aadminister ng huling dose para sa kanyang full vaccination.
