CARGO SHIP NASUNOG, 6 SUGATAN

ANIM katao ang sugatan sa pagsiklab ng sunog sa isang cargo ship sa North Harbor sa Tondo, Manila nitong Sabado ng umaga.

Hindi agad nakuha ang pagkakakilanlan ng mga biktima ngunit iniulat na apat sa mga ito ay pawang mga tripulante ng naturang nasunog na cargo vessel na MV Titan 8 at dalawang tripulante ng kalapit na MV Princess Christine.

Samantala, may dalawa pa umanong tripulante ng MV Titan 8 ang hindi pa natatagpuan habang isinusulat ito.

Batay sa inisyal na ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP) at ng Philippine Coast Guard (PCG), pasado alas-8:00 ng umaga nang magsimulang masunog ang barko sa Delpan Bridge, sa Tondo.

Umakyat sa ikatlong alarma ang sunog pagsapit ng alas-8:46 ng umaga.

Nabatid ng pagsapit ng 12:44 ng tanghali, tuluyang sumabog ang cargo ship at nilamon ng apoy ang kabuuan nito.

“As of 11:30 a.m., a total of six individuals are injured – four are crew members of MV TITAN 8, while two are crew members of nearby vessel, MV PRINCESS CHRISTINE. Two persons are still unaccounted from the crew of MV TITAN 8,” ayon sa PCG.

Sa paunang impormasyon, naliligo umano ang master ng cargo vessel nang makarinig siya ng pagsabog kaya’t kaagad siyang tumalon mula sa barko at kalaunan nalaman niya na ganoon din ang ginawa ng ilang tripulante.

Sila ay pawang sinagip ng mga tauhan ng PCG gamit ang dalawang aluminum boats.

Nagtulong-tulong naman ang mga tauhan ng Manila BFP, PCG, Marine at Environmental Protection Command (MEPCOM) na naglagay ng anim na segments ng oil spill boom para makontrol ang posibleng pagkalat ng langis sa dagat.

Nag-isyu ng notice to mariners (NOTAM) ang mga awtoridad para maipaalam sa naglalayag na iba pang mga barko ang nangyaring insidente.

Nabatid na ang nasunog na cargo ship ay may kargang LPG, seafoods at isda na ihahatid nila sa Palawan at iba pang lugar.

Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng pinagmulan ng sunog sa naturang barko. (RENE CRISOSTOMO)

 

158

Related posts

Leave a Comment