RALLY TABLADO SA ARAW NG KALAYAAN

NABIGONG magsagawa ng kilos protesta sa selebrasyon ng ika-123 Araw ng Kalayaan makaraang harangin ng mga tauhan ng Manila Police District sa lungsod ng Maynila, Sabado ng umaga.

Iniulat ni District Director P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco, may 700 pulis Maynila ang itinalaga sa iba’t ibang panig ng lungsod, bilang tugon sa health protocols na nagbabawal sa mass gatherings.

Pinangunahan nina Justice Secretary Menardo Guevarra at Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa Rizal Park sa Luneta.

Naging highlight ng selebrasyon ang pagsasagawa ng flag-raising ceremony at pag-aalay ng bulaklak sa monumento ng bayaning si Jose Rizal.

Lumahok din sa programa sina Rene Escalante, tagapangulo ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, at Cecille Romero ng Komite sa Pagpapaunlad ng mga Pambansang Liwasan.

Hindi naman nakadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdiriwang at sa halip ay nagpadala na lamang ng isang video message.

Sinabi ni Duterte, nakikiisa siya sa pagdiriwang ng bansa sa Araw ng Kalayaan. Tiniyak ni Duterte sa mga Filipino na sa kabila ng mga pagsubok at pandemyang nararanasan ngayon ay makababangong muli ang Pilipinas.

“The challenges of past years have tested our character as a nation. Each of us have been called upon to be heroes in our right, fighting for our survival and devoting ourselves to the common good just as our heroes did more than a century ago,” pahayag ni Duterte.

Pansamantala namang isinara ang Roxas Boulevard sa harap ng Rizal Park at may mga pulis din na ipinakalat sa lugar para magbantay sa Roxas Boulevard sa kanto ng T.M. Kalaw at sa may kanto ng Katigbak Drive sa kasagsagan ng programa. (RENE CRISOSTOMO)

821

Related posts

Leave a Comment