PAGSUSUOT NG FACE SHIELD AT IBA PANG POLISIYA NG IATF, DAPAT REBISAHIN

NANINIWALA si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na kailangan nang rebisahin ng Inter-Agency Task Force ang ilang polisiyang ipinatutupad para labanan ang COVID 19.

Isa sa inihalimbawa ni Sotto ang patuloy na paggamit ng face shield.

“Ano bang klaseng diskarte yang face shield na ‘yan? Alam mo ba ang face shield ginagamit ‘yan sa ospital lang. Hindi sa kalsada, hindi yung naglilinis ka lang ng bakuran. Hindi doon, tama na ang mask,” diin ni Sotto sa panayam ng DWIZ.

Pinuna rin ni Sotto ang polisiya na nagmamandato na sumailalim pa rin sa 14 days na quarantine period ang mga OFW na bumabalik sa bansa kahit fully-vaccinated na ang mga ito.

“Meron pang kailangan ayusin like yung policy na kapag galing sa abroad kahit fully vaccinated dapat pa ring iquarantine ng 14 days. Sinong foreign investor ang pupunta dito? Pinagbabayad pa ng hotel kaya nagkakaron ng problema sa Cebu,” diin ni Sotto.

Maging sa rollout ng bakuna, iginiit ni Sotto na dapat ipatupad kung sino na ang nais magpabakuna ay bigyan na agad ng bakuna sa halip na hintayin pa ang iba.

“Ang isang impraktikal na ginagawa, meron silang patakaran na itong oras na ito 24-35 yrs old, mamaya yung 35-44 yrs old. Kapag ginawa mo ‘yun magkakadelay-delay kayo. Kung sino dumating tirahin nyo na, dapat ganun. Lahat ng may gusto bakunahan nyo na. Nauna na healthworkers eh. yun ang pinakamahalaga sa lahat, commonsense naman,” diin ng Senate President. (DANG SAMSON-GARCIA)

145

Related posts

Leave a Comment