PAGPAPATULOY NG EKONOMIYA SA GITNA NG PANDEMYA

TUMAAS ang antas ng walang trabaho sa bansa, ayon sa datos na inilabas ng Philippine Statistics ­Authority (PSA).

Ito ay iniugnay sa muling pagpapatupad nang mahigpit na quarantine sa Metro Manila (MM) matapos muling tumaas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 dito.

Mula 7.1% noong Marso ng taong kasalukuyan, ­umakyat ito sa 8.7% ng sumunod na buwan.

Sa madaling salita, mula sa bilang na 3.1 milyong Filipino, umakyat sa bilang na 4.14 milyon ang bilang ng walang trabaho.

Kaugnay nito, ipinahayag ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na dapat muling buksan ang mga negosyo sa bansa upang matugunan ang suliraning ito.

Ito lamang daw ang tanging paraan upang mapanatili at maipagpatuloy ang ­pagbangon ng ating ekonomiya.

Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), mahalagang makamit ng bansa ang herd immunity upang muling mabuksan ang ekonomiya ng bansa.

Mahalagang mabakunahan sa lalong madaling panahon ang mga indibidwal na kabilang sa kategoryang A4.

Ayon sa ulat ng National Task Force (NTF) noong ika-8 ng Hunyo, nasa 6 milyong Filipino ang nabigyan ng bakuna sa bansa.

Sa kabuuang bilang na ito, umabot sa 4,491,948 ang nakatanggap ng unang dosis, habang 1,604,260 ang nakakumpleto ng bakuna matapos matanggap ang ikalawang dosis nito.

Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, Jr., nasa 11 milyong dosis ang inaasahang papasok sa bansa ngayong Hunyo.

Mayroong 12 milyong dosis na darating sa Hulyo at 17 milyong dosis sa Agosto.

Kasabay sa pamamahagi ng bakuna, kailangang makahanap ang mga industriya ng paraan upang makapagpatuloy sa operasyon, sa ligtas na paraan, upang

makatulong sa pagtugon sa pagtaas ng antas ng kawalan ng trabaho sa bansa.

Isang patunay na posible ito ay ang industriya ng pagmamanupaktura.

Ayon kay Trade Secretary and Board of Investments chairperson Ramon Lopez, sa kabila ng pagpapatupad ng ECQ noong Marso at MECQ noong Abril, siniguro niya ang patuloy na operasyon ng nasabing industriya.

Ang lockdown ay nilimitahan sa mga sektor na maituturing na non-essential.

Ang resulta, bumuti ang sitwasyon noong Abril.

Ayon kay Lopez, ang capacity utilization ng industriya ay umakyat sa 63.6% mula sa 63% noong Marso.

Inaasahang magpapatuloy ang pagbuti nito sa mga susunod na buwan.

Ang positibong resulta ng istratehiyang ito ay isang patunay na posible pa ring makapagpatuloy ang ekonomiya ng bansa, sa kabila ng ­pandemya.

Kailangan lamang ng ibayong pag-iingat at sumuporta sa programang pagpapabakuna ng pamahalaan.

362

Related posts

Leave a Comment