HABANG papalapit ang araw ng pagsisimula ng 32nd Olympic Games sa Tokyo, patuloy na dumarami naman ang bilang ng mga Filipino athletes na nagkukuwalipika rito.
Pinakabagong nadagdag sa listahan ay si Pinay weightlifter Elreen Ando.
Nakasama siya sa pamamagitan ng continental quota o listahan na inilabas ng International Weightlifting Federation (IWF) nitong Sabado.
Nakatipon si Ando ng 26,349,334 points para sa 12th place sa -64 kg division makaraang magbulsa ng dalawang silver at isang bronze medals sa International Weightlifting Federation (IWF) Asian Championships sa Tashkent, Uzbekistan noong Abril.
Napabilang siya sa listahan ng IWF dahil may apat na entries na sa top nine ng rankings ang Europe.
Maliban kay Ando, nauna nang umabante sa Tokyo Games si 2016 Olympic silver medalist Hidilyn Diaz.
Ang iba pang Pinoy athletes sa quadrennial meet ay sina pole vaulter EJ Obiena, gymnast Caloy Yulo, boxers Carlo Paalam, Eumir Marcial, Irish Magno at Nesthy Petecio, skateboarder Margielyn Didal, taekwondo jin Kurt Barbosa at rower Cris Nievarez.
Kinumpirma naman ng National Golf Association of the Philippines na pasok na rin sa Olympics si newly crowned U.S. Women’s Open champ Yuka Saso, maging ang kapwa golfers na sina Bianca Pagdanganan at Juvic Pagunsan.
164
