MALINAW na ngayon na ambush talaga ang dahilan ng pagkamatay ni Calbayog City Mayor Ronald Aquino at dalawa pang kasama niya noong nakaraang Marso.
Matapos na magbigay ng sinumpaang salaysay ang 53 witnesses, kasama pa ng CCTV footages na nakalap ng National Bureau of Investigation – Eastern Visayas (NBI – EV), sa pamumuno ni Jerry Abiera.
Isiniwalat ni Abiera sa isinagawang pagdinig sa Senado nitong Hunyo 9 na ‘yan ang lumabas sa kanilang preliminary investigation kaugnay sa pagpatay kay Aquino.
Nakakuha rin ang NBI – EV ng dalawang cellphones na kung saan nakita ang palitan ng text messages para sa planong pagpatay kay Aquino.
Kaya, ang NBI Samar District Office ay magsasampa ng kasong multiple murder at frustrated murder dahil sa paglabag sa Artikulo 248 ng Revised Penal Code, maging administratibo, laban sa mga suspek.
Kabilang sa mga ito ay sina Lt. Colonel Harry Villar Sucayre, Major Shyrille Co Tan, Capt. Dino Laurente Goles, Lt. Julio Salcedo Armeza Jr., Staff Sgt. Niel Matarum Cebu, Staff Sgt. Edsel Tan Omega, Nino C. Salem, Julius Garcia, Randy Merelos, John at Jane does.
Inamin ng isa sa mga pulis na nagsalita sa Senate hearing na pilit na isinasangkot sa iligal na droga at matagal nang pinagplanuhan ang pagpatay sa alkalde.
Hindi natuloy ang planong pagpatay noong 2018, pero nitong Marso ay naisakatuparan nila ang kanilang dating plano.
Lahat ng paraan ay ginawa nila para sabihin na may dahilan, kaya sila pumatay.
Katunayan, pinalabas nila na unang nagpaputok sa mga pulis ay ang grupo ni Mayor Aquino.
Ang problema, 53 testigo ang lumutang na nakakita kung paano pinagbabaril ng mga suspek ang sasakyan ni Aquino.
Nariyan pa ang CCTV footages, paano ngayon lulusot ang mga suspek?
Kaya, kawawa ang sibilyan kapag ginawaan ng senaryo ng pulis, sa isang elected official nga nagawa nila, sa ordinaryong tao pa kaya ‘di nila ito magawa?
Walang maniniwala na walang malaking pera ang pinakawalan ng utak sa pagpatay kay Aquino.
Nasilip ng PUNA na noong May 9, 2016 elections ay naging kalaban sa pagtakbo ni Mayor Ronald Porlares Aquino ng Liberal Party ay sina Rey Sobia Aquino, Independent; Ronilo Pluma Lauderes, Independent; Angelie Tee Tan, Nationalista Party at Jerry Romo Tan, Independent.
Na-PUNA natin na dalawa sa isinasangkot sa pagpatay kay Aquino na sina Major Shyrille Co Tan at Staff Sgt. Edsel Tan ay kaapelyido ng dalawa niyang nakalaban noong eleksyon na sina Angelie Tee Tan at Jerry Romo Tan.
Hindi po natin sinasabi na isa sa kanila, o dalawa, ang utak sa pagpatay kay Aquino.
Na-PUNA lang natin ‘yan, bahala na ang mga awtoridad kung paano nila gagawin ang kanilang pagkuha ng mga ebidensiya laban sa utak ng pamamaslang kay Aquino.
Ang punto po natin dito, kapag ang awtoridad na tulad ng pulis ay gumawa ng senaryo ay walang kalaban-kalaban ang sibilyan.
Hindi rin dapat sila nagpapagamit sa mga politiko, kahit na kamag-anak pa nila ang tumatakbo.
Hindi kayo pulis ng politiko, o kamag-anak n’yong politiko, kundi taumbayan ang dapat n’yong pagsilbihan.
Lagi n’yong isaisip ang “to serve and protect”. hindi sa mga politiko, kundi sa taumbayan.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email joel-2amongo@yahoo.com o kaya magtext sa 0919-259-5907.
