P70K badyet kada buwan ‘TROLL FARM’ PAKANA NG ISANG SENADOR?

SINIMULAN na ang malawakang pagbubuo ng mga troll army na siyang mangangasiwa sa kampanya ng mga politikong nagnanais lumahok sa 2022 general elections.

Kabilang sa mga abalang nagbubuo ng troll farm ang isang senador na kilalang stalwart ng administrasyon at malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Base sa impormasyong nakalap ng SAKSI Ngayon, lumalabas na tatanggap ng P30,000 kada buwan ang mga papasa sa kwalipikasyong inilatag ng grupong nangangasiwa nito para sa naturang senador.

Ang nasabing halaga ay maaaring tumaas base sa tinatawag na social media engagement, likes, comments at kontra komento ng bawat post na kanilang ilalabas.

“Basic pay lang yung trenta mil. Pwede umabot ng P70K, depende sa atensiyong makukuha nito sa social media,” saad ng isang kawani ng isa sa dalawang public relations firm na kinomisyon umano ng grupo ng nasabing senador.

Gayunpaman, hindi aniya malinaw kung para kanino ang binubuong troll army lalo pa’t patuloy ang pagtanggi nito sa planong pagkandidato bilang pangulo ng bansa, batay na rin sa mga panayam ng media sa kanya nitong mga nakaraang linggo.

Bukod sa sahod na doble sa umiiral na minimum wage, posible rin aniyang magtatag ng mga mala-call center na pasilidad sa bawat lalawigan sa bansa, bilang pagtiyak ng malawakang diseminasyon ng impormasyon – o posibleng pagpapakalat ng fake news laban sa mga “nasa labas ng bakuran ng administrasyon.”

Una nang dinepensahan ni Pangulong Duterte ang nasabing senador sa gitna ng mga batikos.

Sa pakikipag-ugnayan sa isang PR operator na dating nasa media, ang bawat troll ay inaatasan umanong lumikha ng 20 social media accounts na may iba’t ibang pangalan. Dapat din aniyang “techie.”

Target umano ng recruitment group ng senador yaong mga nawalan ng trabaho ngayong panahon ng pandemya.

Una nang ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson ang hinggil sa dalawang ‘troll farm’ na inoorganisa umano ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan.

Hindi pinangalanan ni Lacson ang sinasabing opisyal pero tinukoy na isang undersecretary ang nasa likod ng operasyon.

Sinabi ni Lacson na mismong dati niyang staff ang nakausap ng opisyal at inalok ng naturang operasyon.

“Maraming information na dumadating sa amin, maraming trolls na nag-operate para siraan yung mga posibleng mga makakalaban hindi lang limitado sa amin kundi pati sa mga ibang hindi aligned sa administrasyon,” saad ni Lacson.

“Ngayon pa lang meron akong alam na isang high official, sabihin na nating undersecretary na nag-oorganize na sa buong bansa, bawat probinsya hinihingan nila ng quota na mag-organize ng at least two troll [farms] sa isang probinsya,” diin ng senador.

“So you can just imagine if it materializes and using the resources of the government whether or not it is sanctioned by Malacanang—well I hope not and I don’t believe so— maybe overeager lang yung official na yun na magpakitang gilas sa kanyang ginagawa,” dagdag pa nito.

Dahil sa ibinunyag ni Lacson ay naging usap-usapan sa social media kung sino-sino ang mga posibleng magtatag ng troll farm at kabilang sa mga binabanggit ang Duterte administration. (FERNAN ANGELES)

150

Related posts

Leave a Comment