HINDI pa man sumasabak sa ring para sa kanyang comeback fight laban kay World Boxing Council at Intercontinental Boxing Federation welterweight champion Errol Spence Jr. sa Agosto 21, tila nadale na agad ng isang matinding knock-out punch si Senador Manny Pacquiao bunsod ng pinaplanong pagpapatalsik sa pwesto rito bilang pangulo ng PDP-Laban.
Ayon sa isang opisyal ng PDP Laban na nakabase sa Cagayan de Oro, ang general assembly ng partido na gaganapin sa July 17 ay nakaamba upang patalsikin si Pacquiao bilang pangulo ng partido makaraang manindigan ito sa kanyang pagtakbo bilang pangulo.
Ayon kay Mario Tabac, pangulo ng local na sangay ng PDP-Laban sa CDO, inaasahan na nilang sasamantalahin ng kabilang paksiyon ang pagkakataon upang tuluyan na silang burahin sa partido. Aniya, bukod sa pwersahang pagpapadalo ng mga miyembro sa nasabing general assembly, kinakausap na rin ng kabilang grupo ang kanilang mga kasamahan upang bumaligtad.
Nang tanungin kung sino ang nasa likod ng nasabing hakbang kontra sa pambansang kamao, partikular niyang tinukoy yaong mga kasaping kaalyado ni Energy Secretary Alfonso Cusi.
Isinisi naman ni Tabac ang lamat sa partido kay Cusi makaraang magpatawag ito nito lamang nakaraang Mayo ng national council meeting na dapat ay nagmumula sa pangulo ng partido. Aniya, palusot na lang ang ginawang anunsiya ni Presidential spokesperson Harry Roque na direktiba ni Duterte ang ginawa ni Cusi.
Bunsod nito, tiniyak ni Tabac na mananatili silang nasa panig ni Pacquiao, kesehoda pang mahati ang Mindanao – isang bagay na hindi ikalulugod ng pangulo, lalo pa’t sina Senador Bong Go at Davao City Sara Duterte, na posibleng ilaban ng administrasyon sa 2022 presidential election ay parehong umaasa sa boto ng buong Mindanao.
Gayunpaman, sakali aniyang tuluyang malaglag si Pacquiao sa liderato ng PDP-Laban, plano nilang itulak ang pagbabalik ni Senador Koko Pimentel bilang pangulo ng partido.
Dati nang nanungkulan bilang pangulo ng partido si Pimentel.
Dumarami na rin aniya ang hindi natutuwa sa mga pangyayari sa loob ng partidong nagdala kay Duterte sa Malakanyang. (FERNAN ANGELES)
152
