VIDEOKE BAR NIRATRAT 3 PATAY, 6 SUGATAN

MAGUINDANAO – Tatlo katao ang namatay kabilang ang isang binatilyo matapos paulanan sila ng bala ng hindi pa kilalang mga suspek habang anim naman ang sugatan kabilang ang isang buntis, habang nagkakasayahan sa isang videoke bar sa Barangay Edcor, sa bayan ng Buldon sa lalawigang ito, noong Biyernes ng gabi.

Kinilala ang mga napatay na sina Jay-ar Diaz, 22; Bonbon Diaz, 27, at ang isang 17-anyos na si Jimmy Manimbula habang sugatan naman sina Aljun Mokudef, Alvin Ampang, Jaymark Mukudef, Christopher Sayas, Ariel Diaz at Michelle Victoriano na isang buntis.

Ang mga biktima ay pawang mga residente ng Barangay Kuya, South Upi, Maguindanao at pansamantalang nakatira sa nabanggit na lugar.

Ayon sa ulat mula kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Donald Madamba, nagkakasayahan ang mga biktima sa nasabing videoke bar nang biglang dumating ang mga suspek at pinagbabaril ang mga ito pasado alas-8:00 ng gabi.

Mariin namang kinondena ni Buldon Mayor Abolais Manalao ang pangyayari sa kanyang bayan at inatasan ang pulisya na magsagawa ng malalimang pagsisiyasat para alamin ang motibo at responsable sa krimen.

Isa ang alitan sa pamilya sa sinisilip na mga anggulo sa nasabing krimen habang hindi naman isinasantabi ang iba pang motibo. (BONG PAULO)

128

Related posts

Leave a Comment