2 DRIVER PATAY, 8 SUGATAN SA AKSIDENTE SA CAVITE

CAVITE – Kapwa namatay ang driver ng isang tricycle at isang multicab nang magbanggaan ang mga ito habang sugatan ang walong pasahero sa Trece Martires City noong Sabado ng hapon.

Kapwa isinugod sa General Emilio Aguinaldo Hospital ang dalawang driver na sina Eugene Bagaan, 25, ng Phase 3B, Carissa Homes, Bagtas, Tanza, Cavite, at Jalal Abdul Sarif, 35, may asawa, ng Brgy. Cabuco, Trece Martirez City, ngunit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.

Ginagamot sa nasabing ospital ang mga sugatan na sina Emelda Lacanaria, 35, pasahero ni Bagaan; Pinda Samangan, 35; Beisan Ampatua, 36; Salahodil Sadic, 24; Nojidaya Tare, 26; Norsina Sarif, 28; Noridin Abdul, 58; Abdul Mojaimen Sarif, 33, pawang mga residente ng Sunshine Ville sa Cabuco, Trece Martires City.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Rene Bibon ng Trece Martires City Police, dakong alas-3:00 ng hapon noong Sabado nang mangyari ang insidente.

Kapwa binabagtas ng dalawang driver ang kahabaan ng Trece-Tanza Road sakop ng Trece Martires City. Minamaneho ni Bagaan ang isang tricycle at sakay si Lacanaria habang si Abdul Sarif ay minamaneho ang isang multicab na may may pitong pasahero.

Si Bagaan ay galing ng Tanza patungo sa Trece at okupado ang inner lane na bahagi ng kalsada habang nasa opposite lane naman si Abdul Sarif.

Ngunit pagsapit sa tapat ng Jade Ann Welding Shop nang aksidenteng masagi ng kanang bahagi ng minamanehong multicab ni Abdul Sarif ang tricycle ni Bagaan dahilan upang mahila ito at nasakop ang kabilang linya ng kalsada at nagulungan ang tricycle.

Pawang isinugod sa ospital ang mga biktima ngunit nalagutan ng hininga ang dalawang driver. (SIGFRED ADSUARA)

 

306

Related posts

Leave a Comment