NAGAWA ng Milwaukee Bucks na malampasan ang isa na namang all-time performance mula kay Kevin Durant bago tuluyang talunin ang Brooklyn Nets, 115-111, sa overtime Game 7 ng NBA Eastern Conference semifinals Linggo (Manila time).
Kumamada si Durant ng 48 points, nine rebounds at six assists sa isa na namang phenomenal Game 7 performance. 15 sa puntos niya ay sa fourth quarter, kabilang ang tiebreaker (109-all) sa nalalabing 1.6 seconds para makapwersa ang Nets ng overtime.
Hindi naman nagpahuli si Bucks’ Giannis Antetokounmpo na may big performance din na 40 points, 13 rebounds at five assists.
Lamang ang Nets sa halftime, 53-47, sa likod ng 20 points ni Durant, ngunit agad bumawi ang Bucks na nagpasabog ng seven unanswered points sa pagsisimula ng second half.
Pagpasok ng fourth quarter ay may 33 points na si Durant, habang may 31 naman si Antetokounmpo.
Ngunit kumana ng 13-4 run ang Milwaukee sa pangunguna nina Khris Middleton at Jrue Holiday para burahin ang 101-96 lead ng Nets at agawin ang driver’s seat, 109-105, 1:05 na lang ang nalalabi.
Agad namang sumagot si Durant ng dalawang magkasunod na baskets, kabilang ang panabla na nagtulak sa OT.
Sa huli, mas nanaig ang mas bata at mas healthy na Bucks, na maghihintay kung sino ang makakaharap sa Eastern Finals sa pagitan ng Atlanta Hawks at Philadelphia Sixers.
138
