1 PATAY, 1 ARESTADO SA TONDO ROBBERY

NADAKIP ng mga operatiba ng Manila Police District ang isang 23- anyos na lalaki habang napatay ang kasama nito sa follow-up operation ng mga pulis makaraang holdapin ang isang truck driver sa Tondo, Manila noong Linggo ng madaling araw.

Kinilala ang napatay na suspek na si Mark Kenneth Cabrigas, 27, habang arestado ang kasama nitong si Moises Alfero, 23-anyos.

Base sa report ng MPD-Station 1, bandang alas-12:40 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa Mel Lopez Boulevard na dating Road 10, sa Barangay 110 sa Tondo.

Pinangunahan ni P/Lt. Paul Jady Doles ang operasyon makaraang magsumbong sa himpilan ng pulisya ang isang 28-anyos na truck driver na umano’y hinoldap ng mga suspek sa Mel Lopez Boulevard.

Sa ikinasang follow-up operation, namataan ng mga pulis ang mga suspek sa nabanggit na lugar at nang sitahin ay bumunot umano ng baril si Cabrigas ngunit inunahan ito ng mga awtoridad na nagresulta sa kanyang pagkamatay habang nadakip ang kasama nitong si Alfero. (RENE CRISOSTOMO)

239

Related posts

Leave a Comment