(BERNARD TAGUINOD)
NEGOSYO ang nakikita ng isang mambabatas sa Kamara na dahilan kung bakit magulo ang polisiya ng gobyerno partikular na ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa usapin ng face shield.
Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, kung walang nagnenegosyo sa face shield ay malamang na matagal na aniyang inabandona ang pagpapasuot nito sa mga tao.
“Malamang may negosyo behind this kaya ganyan ang usapin ngayon at nagkakaroon ng pabago-bagong panukala ang ating pamahalaan,” pahayag ni Brosas sa isang press conference.
Magugunita na unang nanawagan ang mga kongresista tulad ni ACT party-list Rep. Jocelyn Tulfo na alisin na ang face shield dahil walang pag-aaral na nakatutulong ito sa pagbibigay proteksyon sa mga tao laban sa COVID-19.
Bukod dito, hindi umano dapat obligahin ang mga tao na gumastos para sa face shield lalo na’t limitado ang kanilang income matapos maapektuhan ang mga negosyo sa pandemya.
Sinabi na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanging sa ospital na lamang ipasuot ang face shield subalit kinontra ito ng IATF at maging ng Department of Health (DOH).
Dahil dito, lalong nagdududa si Brosas na may nagnenegosyo sa gobyerno ng face shield kaya hirap na hirap ang mga nagpapatupad ng batas na iimplementa o sundin ang kautusan ng pangulo.
Walang impormasyon ang mambabatas kung sino sa gobyerno ang nagnenegosyo ng face shield kaya hindi ito mapakawalan ng IATF at DOH subalit ang magulong polisiya umano ay indikasyon na may “nagnenegosyo”.
“Ito ay manifestation din kung gaano kagulo ang IATF ngayon sa kanilang guidelines on the wearing of face shield,” dagdag pa ni Brosas.
197 