Sixers kinapos na naman HAWKS–BUCKS SA EAST FINALS

Ni VT ROMANO

SWAK ang Atlanta Hawks sa Eastern Conference finals.

Isang late 3-pointer ang ibinato ni Trae Young at total 21 points upang tulungan ang Atlanta na maitala ang ikatlong panalo sa serye sa teritoryo ng Sixers, matapos ang 103-96 win laban sa top-seeded sa Game 7, Lunes (Manila time).

Wagi rin ang Hawks sa Game 1 at Game 5 sa Philadelphia.

Sisimulan ng Hawks ang una nitong East finals mula noong 2015 laban sa Bucks sa Huwebes sa Milwaukee.

Ang Atlanta ay 0-9 sa Games 7 kapag dumadayo ng laro.

Hindi akalain ng Hawks na aabot sila hanggang conference finals. Noong Marso, 14-20 at 11th place sila sa Eastern Conference at sinipa si coach Lloyd Pierce.

Sa ilalim ni coach Nate McMillan, naging palaban ang Hawks at sa pangunguna ni Young, inakay nito sa postseason ang team sa unang pagkakataon mula noong 2017, kung saan tinalo ang New York sa first-round.

Binalewala ni Young ang panlalamig sa floor at nagpatuloy lang sa kanyang opensa, hanggang pumasok ang kinakailangang tres tungo sa 93-87 lead, 2:31 pa sa laro.

Sinelyuhan ni Kevin Huerter, top scorer sa Hawks (27 points) ang panalo sa kanyang tatlong free throws sa harap ng 18,624 fans na natameme sa nangyari.

Umingay ang fans nang i-boo palabas ng court ang Sixers, at kinailangang sawayin ng public address announcer dahil sa pambabato ng basura sa court.

Umiskor si Joel Embiid ng 31 points para sa talunang Sixers.

Ito ang ikalawang taon mula 1973, nang simulan ng NBA ang seedings sa playoffs (by conference), na ang No. 1 seed ay bigong makarating sa conference finals. Ang West No. 1 seed Utah ay sinipa naman ng Clippers.

SUNS NAKAISA NA SA CLIPPERS

NAGTALA si Devin Booker ng 40 points, 13 rebounds at 11 assists para sa kanyang unang career-triple double tungo sa 120-114 win ng Phoenix Suns kontra Los Angeles Clippers.

Game 1 ito ng kanilang Western Conference Finals kung saan hindi pa rin nakalaro si Chris Paul para sa Suns at Kawhi Leonard sa Clippers.

Si Paul ay hindi pinapayagang lumaro bunga ng COVID-19 health and safety protocols, habang ikatlong sunod na absent si Leonard sanhi ng sprained right knee.

Buhat sa tablahang 93-all sa simula ng fourth, umarangkada ang Suns, 12-2 run para kunin ang 105-95 lead tampok ang dunk ni Cam Johnson, 8:08 pa sa laro.

Hindi naman nanahimik ang Clippers at naibaba ang 10-point deficit sa dalawa, may dalawang minuto pa, 116-114, nang humirit si Terance Mann ng 3-pointer sa huling 22 seconds.

Nag-dunk si Booker sa sumunod na ball possession para selyuhan ang panalo ng Suns.

Sa Phoenix ang Game 2 sa Miyerkoles.

Maituturing na isa sa pinakamaganda niyang laro, si Booker ay 15 of 29 sa field, bukod pa sa mahusay na depensang inilatag.

Sa third quarter, nasaksihan ang scoring duel sa pagitan nina Booker at Clippers’ Paul George, may 34 points.

Umiskor si Booker ng 18 points sa quarter at 15 naman si George, kasama ang 3-pointer na nagpatabla sa iskor, 93-93, papasok sa fourth.

Tumulong kay Booker si Deandre Ayton, may 20 points at nine rebounds, habang si Cameron Payne na humalili kay Paul ay nag-ambag ng 11 points at nine assists.

May 24 points naman si Reggie Jackson para sa Clippers.

180

Related posts

Leave a Comment