SEKYU NG JRRMMC TODAS SA PASYENTE

NAHAHARAP sa kasong murder ang isang 37-anyos na pasyente makaraang barilin at mapatay ang security guard ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center sa Rizal Avenue, Sta. Cruz, Manila noong Lunes ng gabi.

Kinilala ni P/BGen. Leo “Paco” Francisco, District Director ng Manila Police District, ang biktimang si Arturo Budlong, sekyu sa ika-2 palapag ng JRMMC, tinamaan ng isang bala sa dibdib.

Samantala, inoobserbahan naman ang suspek na si Anthony Carlo Galivo, residente sa Paltoc St., Sampaloc, Manila, dahil sa mga tama ng bala sa ibabang bahagi ng tiyan at dibdib.

Ayon sa ulat na nakarating kay P/Lt. Col. John Guiagui, station commander ng MPD-Station 3, bandang alas-10:40 ng gabi nang mangyari ang pamamaril sa ikalawang palapag ng JRRMMC.

Habang naka-duty ang nasabing biktima nang mapansin nito ang suspek na palabas ng silid kaya sinita nito.

Ngunit pagtalikod ng gwardiya ay inagaw umano ng suspek ang service firearm na 9MM ng biktima at binaril ito.

Pagkaraan ay tumakbo ang suspek patungo sa morgue at doon siya inabutan ng nagrespondeng mga pulis.

Sinikap pasukuin ng mga pulis ang suspek ngunit tinangkang magpaputok nito kaya inunahan siya ng mga awtoridad.

Ayon sa record ng ospital, na-confine si Galivo sa JRMMC noong Hunyo 18 dahil sa tangkang pagpapakamatay. Nahaharap ang suspek sa kasong murder. (RENE CRISOSTOMO)

268

Related posts

Leave a Comment