IPINAAABOT ng Sala Sa Init, Sala Sa Lamig ang pakikiramay sa pamilya ni dating Pangulong Noynoy Aquino, sa kanyang ‘di inaasahang pagpanaw kahapon. Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa.
oOo
Ang planong pagbubukas ng ika-46 season ng PBA sa susunod na buwan ay nasa ibabaw na ng lamesa ng Inter-Agency Task Force (IATF).
“Na naman!” ang may halong ismid na reaksiyon ng ilang panatiko ng PBA na aming nakausap. Matatandaang ganito rin ang sitwasyon noong magbukas ang ika-45 season ng kauna-unahang liga propesyonal sa bansa at Asya na ilang beses naipagpaliban dahil sa pag-aatubili ng IATF na magpasiya.
May ilang laro pa nga na ipinagpaliban matapos pagsuspetsahan ng IATF ang isang reperi at isang manlalaro ng pagiging COVID-19 positive ngunit kinalaunan ay lumabas na negatibo pala. Kaya
imbes na matapos ang PBA bubble na plano noong idaos sa Tarlac at Pampanga, naging isang conference na lang ito na tumagal hanggang bago mag-Pasko.
Siyempre ang pagkaka-delay ng torneo ay naging dahilan ng pagkaunsiyami ng kasunod na season, at mas malaking gastos at pagkalugi sa PBA.
Doon sa mga nagpahatid ng mensahe sa kolumnistang ito na baka maulit ang karanasan ng liga noong 2020, sinisiguro ni PBA Commissioner Willie Marcial na hindi na ito mauulit.
Katunayan, ang PBA Commissioner’s Office ay nakapagsumite na ng position papers sa IATF noon pang Lunes sa pag-asang mabigyan ng aksyon sa lalong madaling panahon sa susunod na pagpupulong ng ahensya.
“Kaya nga ready na kami kahit anong oras kami tawagin ng IATF para marinig ang aming saloobin anytime soon,” pahayag ni Marcial noong Miyerkoles. “Hopeful they may now allow to hold a second tournament after the Clark bubble last year.”
Kabilang sa PBA portfolio na isinumite kina IATF co-chair at DOH Secretary Francisco Duque at Cabinet Sec. Karlo Nograles ay ang siyam na pahinang protokol na susundin sa Philippine Cup, una sa dalawang torneong balak idaos sa bagong season.
“We presented the success of the last All-Filipino tourney where we’re able to protect the integrity of the bubble. And we also cited the ongoing team practices and scrimmages where COVID cases have been minimal to none,” ani Marcial.
Ang Ynares Arena sa Pasig o ang Ynares Center sa Antipolo ang planong pagdausan ng All-Filipino Cup.
Samantalang naghihintay ng desisyon ng IATF ang 12 PBA clubs, patuloy ang pagsasanay ng mga koponan sa labas ng NCR Plus.
Hindi pinapayagan ang lahat ng aktibidades sa indoor venues sa Metro Manila sa ilalim ng General Community Quarantine “with restrictions” na ipinatutupad hanggang sa katapusan ng Hunyo.
Ang Ynares Center sa Antipolo at Ynares Sports Arena sa Pasig ay kasalukuyang inihahanda na para sa posibleng playing venues ng PBA sa oras na mabigyan ito ng go-signal na magsimula.
Nakausap na ni Marcial si dating Rizal Governor at Antipolo City Mayor Junjun Ynares sa posibleng paggamit ng alinmang venue para sa All-Filipino.
Ayon kay Marcial, si Mayor Junjun ay nakapag-commit na gamitin ang dalawang stadium. “OK sila kahit saang venue, mapa-Antipolo yan or Pasig.”
Ang dalawang nabanggit na venues ay dati nang nakapag-host ng PBA games. Katunayan, sa Antipolo ipinagdiwang ng Magnolia Hotshots ang kanilang pagwawagi noong 2018 Governors’ Cup laban sa Alaska Aces.
156 