Alamat Ni Manny Pacquiao (Ika-36 Bahagi) Nang maging cover ng TIME si Manny Pacquiao

SA loob ng 63 taon mula noong 1923 hanggang 1988, siyam na boksingero pa lamang ang naitampok sa prestihiyosong TIME magazine sa cover nito.

Noong taong 2009, 21 taon makaraang si dating heavyweight champion Mike Tyson ay nagawaran ng karangalan, ang Pilipinong si Manny Pacquiao ay lumabas sa cover ng TIME Asian edition.

Iilan lamang, kabilang ang mga naging pangulo ng Pilipinas na sina Manuel Quezon, Manuel Roxas, Ramon Magsaysay, Ferdinand Marcos at Corazon Aquino, at kilalang environmentalist at aktres na si Chin Chin Gutierrez ang binigyang pagkilala ng naturang magasin.

Ang parangal ng TIME sa Pambansang Kamao ay isa lamang sa napakaraming naipagkaloob sa kanya, na dapat sanang tumapos sa mahabang debate tungkol sa kung sino ang tanghaling pinaka-magaling na boksingero, hindi lang sa kanyang panahon kundi sa lahat ng panahon.

Nakareserba lamang sa mga Punong Tagapagpaganap ng  bansa tulad ng Papa, mga nagsipagwagi ng Nobel Prize at iba pang tanyag na personalidad, ang nasabing ­publikasyon na itinampok ang noon ay 30-anyos na si Pacman bilang pagkilala sa pagiging pinakamagaling na pound-for-pound fighter, mula sa pagiging mahirap at salat sa edukasyon (elementary education).

Napuwersang matulog nang walang banig at kung saan abutin ng antok sa maraming panig ng Kamaynilaan matapos iwan ang kanyang inang si Dionesia Dapidran-­Pacquiao at mga kapatid sa General Santos City, hindi inalintana ni Manny ang pagtatrabaho bilang shoe shine boy, naglako ng tinapay at sigarilyo, nagkarpintero at ginamit ang bilis at lakas ng kanyang mga kamao para kumita ng humigit-kumulang sa $2 kapag nanalo. Subalit ang ­maraming labang ipinanalo niya ang naging daan para maging dalubhasa sa propesyong pinili niya–boksing.

“His ferocious drive bludgeoned with distinct clarity the faces of his ring opponents,” anang istorya sa TIME na pinamagatang ‘The Great Hopes.’ “They represented nothing more than the extreme adversities which he long sought to overcome.”

“Nothing is impossible, so long as you keep God in your heart and in your mind,” sabi naman ni ­Manny habang sakay ng eroplanong magbabalik sa kanya sa Maynila makaraan niyang supilin ang maalamat na si Oscar DeLa Hoya na dobladong liyamado, 2-1, nang magkaharap sila noong Disyembre 6, 2008. Mensaheng nagsilbing sigaw ng kanyang mga kababayang nagsasakripisyo para makaraos sa balon ng kahirapan.

Sa kabila ng mga nagawa niya bilang inspirasyon sa kanyang mga kababayan, si Pacquiao, dagdag ng TIME  sa coverboy nito, “remains a gentleman outside of the ring.”

Sa mga maalamat na ­boksingerong lumaban sa huling 25 taon noong panahong iyon, si Tyson ang pinaka-huli na naitampok ng magasin (1988). Samantalang sina DeLa Hoya, Roy Jones, Jr., Sugar Ray Leonard, Thomas Hearns, Roberto Duran, Julio Cesar Chavez at Evander Holyfield ay hindi pa kinikilala ng TIME.

Ang ngayon ay mambabatas nang si Pacquiao ay napabilang sa tanyag na listahang kinabibilangan din nina Muhammad “The Great” Ali na tatlong beses naging  cover boy, Jack Dempsey noong 1923, James Tunney (1926), Max Schmeling  (1929), Primo Carnera (1931), Joe Louis (1941), Sugar Ray Robinson (1951), Ali noong siya’y kilala pa sa pangalang  Cassius Clay (1963), Ali muli kasama ang kanyang  arch-rival na si Joe Frazier (1971), at Ali pa (1978), at Tyson (1988).

“What is happening to me now is the most humbling experience of my life. It is a great honor for me to be the face of my people and to let everyone know we are a small but mighty country,” pahayag ng ating si Manny.

“I have great pride for all of the Filipinos living throughout the world and it is these people that I fight for each and every time I step into the ring,” dagdag niya sa interbyu ng TIME.
“Pacquiao’s humility, generosity, and faith are qualities that resonate with his people, ” sabi pa ng magasin bilang pagkilala sa Pilipino ring icon.

Sa isa pang panayam ng TIME sa Los Angeles, sinabi ni Pacquiao na hindi lamang siya nananalangin para sa kanyang sarili kundi sa lahat ng mga nakalaban at makakalaban pa niya sa ibabaw ng parisukat na lona.

Maliban  sa siyam na boksingero, siyam na iba pang mga atleta ang naging TIME cover: baseball player Pete Rose (1989), cagers ­Michael Jordan (1998) at Magic johnson (1996), tracksters Marion Jones (2000) at Michael Johnson (1996), golfer Tiger Woods (2000), tennis-playing sisters Venus at ­Serena Williams (2001) at Beijing Olympic swimming hero Michael Phelps (2008).

257

Related posts

Leave a Comment