Ni ANN ENCARNACION
MAS mataas na allowance ang makukuha mula sa Philippine Sports Commission (PSC) ng mga pambansang atleta na nag-qualify sa Tokyo Olympics.
Ayon sa National Sports Association (NSA) Affairs Office, ang salary upgrade ay base na rin sa inaprubahan ng PSC Executive Board.
Kaya simula nitong Hunyo 15, epektibo na ang taas sa monthly pay/allowance ng mga nadagdag na Filipino Olympics-qualifiers na sina boxer Carlo Paalam, taekwondo jin Kurt Bryan Barbosa, rower Cris Nievarez, skateboarder Margielyn Didal, judoka Kiyomi Watanabe at weightlifter Elreen Ando.
Sa anim, pinakamalaki ang nadagdag kay Ando na kabilang sa Priority C ngunit umangat sa Priority A matapos magkuwalipika sa Summer Games. Kaya mula sa P24,000 ay tatanggap na siya ng P43,000 kada buwan.
Mula sa Priority B ay umangat din sina Didal, Watanabe, Paalam, Barbosa at Nievarez sa Priority A matapos umusad sa quadrennial meet.
Kabilang din sa Class A list sina pole vaulter Ernest John Obiena, boxers Irish Magno at Eumir Felix Marcial, at gymnast Carlos Edriel Yulo.
Inaasahang mapapasama sa kanila sina shooter Jayson Valdez, golfer Juvic Pagunsan at sprinter Kristina Knott, at golfers Yuka Saso at Bianca Pagdanganan.
May pinakamataas na monthly allowance na P45,000 at kabilang sa Platinum Class sina 2016 Rio de Janeiro Olympics silver medalist Hidilyn Diaz at female boxer Nesthy Petecio.
154 