CAVITE – Namatay ang isang lalaki nang bumalik sa nasusunog na gusali matapos sagipin ang kanyang anak sa bayan ng Carmona sa lalawigang ito, noong Sabado ng umaga.
Kinilala ang biktimang namatay na si Lazaro Millares, 43, foreman habang ginagamot sa Pagamutang Bayan ng Carmona ang anak nitong si alyas Joseph, kapwa stay-in sa Supravolare Corporation sa Brgy. Bancal, Carmona, Cavite sanhi ng mga sugat sa katawan.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Charles Virtudez ng Carmona Police, dakong alas-5:05 ng umaga noong Sabado nang i-report ang hinggil sa nasusunog na gusali ng Supravolare Corporation sa Brgy. Bancal, Carmona.
Ayon sa salaysay ni Joseph, natutulog siya nang makarinig ng malakas ng pagsabog kasunod ng sunog at naramdaman niyang bigla siyang binuhat ng kanyang ama at inilabas mula sa nasusunog na gusali.
Gayunman sa hindi nabatid na dahilan, bumalik ang biktima sa nasusunog na gusali ngunit hindi na ito nakalabas.
Ang mag-ama ay kapwa stay-in sa nasabing kumpanya.
Inaalam pa ng pulisya kung ano ang sanhi ng sunog at kung magkano ang halaga ng napinsalang mga ari-arian. (SIGFRED ADSUARA)
166 