QUEZON – Patay ang isang lalaki nang masagasaan ng kanyang sariling sasakyan na ipinamaneho sa kanyang kaibigan na tinuturuang magmaneho sa Tayabas City noong Linggo ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Fidel Magdaraog Balondo, 53-anyos, residente ng Barangay Ibabang Alsam.
Batay sa report ng Tayabas City Police, bago nangyari ang insidente ay nag-inuman muna ang biktima at ang kaibigan nitong si Jerry Rongalereos Tabernilla.
Habang nag-iinuman, pinasubukang ipamaneho ng biktima kay Tabernilla ang kanyang Hyundai Grace van na nakaparada sa kanilang garahe upang matuto umanong magmaneho ang suspek.
Habang nagmamando sa kaliwang bahagi ng van, biglang umarangkada ang sasakyan at naipit ang may-ari.
Isinugod ang biktima sa ospital ngunit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas. (NILOU DEL CARMEN)
220
