IKINABABAHALA ni Senador Win Gatchalian ang napipintong pagpapasara sa tatlong hydroelectric power plants sa Benguet batay sa isang kautusan kaya’t minabuti niyang udyukan ang Department of Energy (DOE) na gamitin ang mandato nito para maresolba ang isyu.
“Sa panahon na may mga pagbabanta na malalagay sa yellow at red alerts ang suplay ng kuryente sa Luzon, kailangan nating siguruhin na may sapat tayong bilang ng mga plantang gumagana at maaasahan sa mga susunod na mga araw. Kailangang-kailangan natin ang sapat na suplay ng kuryente sa ganitong panahon na nasa gitna pa rin tayo ng isang pandaigdigang krisis sa kalusugan,” ani Gatchalian.
Ang mga pahayag ni Gatchalian ay may kinalaman sa napabalitang pagbibigay ng cease-and-desist order (CDO) ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa Cordillera sa kumpanyang Hedcor Inc., operator ng Labay, Lon-oy at F.L. Singit hydropower plants sa Bakun, Benguet.
Matapos maisilbi ang CDO noong Martes, June 22, binigyan ang Hedcor Inc. ng limang araw para tapusin na ang kanilang operasyon. Inilabas ang kautusan matapos umanong mabigo ang kumpanya na makuha ang basbas ng Bakun Indigenous Tribes Organization (BITO), bagay na nakasaad sa batas. (ESTONG REYES)
356
