HINIKAYAT ni Metropolitan Manila Development Authority chairperson Benhur Abalos ang lahat ng employers at mga manggagawa na magpabakuna na laban sa COVID-19 lalo pa’t marami ng tao ang pinapayagang bumalik sa kanilang trabaho.
Sa Laging Handa public briefing, binigyang-diin ni Abalos ang kahalagahan na masiguro na ang lahat ng mga empleyado ay protektado na laban sa COVID-19 sa gitna ng unti-unting pagpapaluwag sa restrictions.
Aniya, tinatayang nasa 4 milyong residente na ang nakatanggap ng kanilang bakuna laban sa COVID-19, kabilang na ang mahigit sa 3 milyong katao na nakatanggap ng kanilang first dose at mahigit sa isang milyon naman ang nakatanggap ng kanilang second dose.
“The average vaccination being done in the region per day is around 114,000,” ayon kay Abalos.
Ang National Capital Region (NCR) ay mananatili sa ilalim ng general community quarantine hanggang Hulyo 15, na inaprubaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. (CHRISTIAN DALE)
161
