UMABOT sa 344 pamilya o kabuuang 1,499 indibidwal ang inilikas na mula sa ilang barangay sa paligid ng Taal volcano nitong Biyernes ng tanghali.
Nasa 286 pamilya mula sa bayan ng Laurel ang inilikas patungo sa mga evacuation center sa malayong barangay sa mga bayan ng Nasugbu, Bauan at Lemery.
Habang 118 katao naman mula sa Talisay ang dinala sa Calamba Regional Government Center.
Nasa 255 naman ang inilikas mula sa bayan ng Balete.
Nag-deploy na rin ang PNP ng 946 personnel na handang umasiste sa mga residente kasama ang 47 sundalo, 60 BFP members at 27 tauhan ng Philippine Coast Guard.
May nakahanda na ring 466 search and rescue operation personnel at mga kagamitan sa paglilikas kung sakaling magkaroon ng malakas na pagsabog.
Mahigpit ding ipinagbabawal muna ang pangingisda sa lawa ng Taal at ang pagtungo sa mismong volcano island.
Noong Huwebes ay una nang isinagawa ang forced evacuation sa dalawang barangay ng Agoncillo at tatlong barangay sa Laurel matapos ang maiksing phreatomagmatic plume ng bulkan dakong alas-3:16 ng hapon.
Kaagad namang ipinag-utos ng PRO 4A Calabarzon ang pagtatayo ng Laguna at Cavite PNP ng Disaster Management Control Points para pansamantalang pigilin ang pagtungo ng mag-uusyusong mga turista sa mga delikadong lugar sa bahagi ng Tagaytay at iba pang lugar na nakatunghay sa Taal Lake at volcano area.
Tulong sa apektado tiniyak ni PDu30
TINIYAK ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na mayroon nang nakahandang tulong ang social welfare department sa warehouse nito bilang paghahanda sa pagputok ng Bulkang Taal.
“‘Pag pumutok ‘yang Taal, meron na doon, naka-station na ang mga tulong nila,” ang pagtiyak ni Pangulong Duterte sa isang panayam sa isinagawang inagurasyon ng Light Rail Transit (LRT) Line 2 East Extension Project sa Antipolo Station.
“It could get worse. But I said, there will be instant gratification because there are workers on the ground ready. Iyan ang gusto ko sa military, methodical ang ano nila. And the rest are also good,” ayon sa Pangulo.
At sa tanong kung kinakailangan pang magsagawa ng command conference sa bagay na ito, ang naging tugon ng Pangulo ay “Not necessarily.”
“Hindi ko malaman kung, dumaan man kami kanina, konti lang. Siguro lagyan ko lang ng cap, ‘yung butas. Taal na yan,” anito.
At nang hingan ang Pangulo ng reminder para sa publiko ay sinabi nito na “There is always an exigency measure of government.”
“Anong pangyayari, nandyan sina [Metropolitan Manila Development Authority Chairman] Atty. [Benhur] Abalos. Kanila ‘yan,” ayon sa Pangulo.
“Iyong ibang trabahante ko, hindi ko nakita, baka nahulog na doon sa butas. I was expecting to see them here,” dagdag na pahayag nito.
Ang pamahalaan aniya ay maaaring “raise the alert on the level that it should.”
“Now, it’s just a rumbling and it’s spewing, I don’t know if it’s really the ashes. Apektado daw tayo. But it’s not really a grave concern for us at this time. Maybe it will degenerate into something bad. By that time, we will know,” anito.
279
