MIYEMBRO NG GANG ITINUMBA NG KAGRUPO

CAVITE – Itinumba ng mga ka-grupo ang isang miyembro ng kanilang gang makaraan ang mainitang pagtatalo sa Dasmariñas City, nitong Biyernes ng madaling araw.

Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Jomar Deslate, 29, binata, ng Block 46, Lot 24, Phase 1, Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City, dahil sa tama ng sumpak sa katawan.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang mga suspek na sina Aljon Borlagdaton ng Block 4, Lot 1, Phase 1, Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City, at Jay-arr Mercado ng Block 40, Lot 12, Phase 1, Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City, na tumakas makaraan ang pamamaril.

Ayon sa ulat ni Corporal Aaron John Golo ng Dasmariñas City Police, dakong ala-1:00 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa Block 35, Lot 1, Phase 1, Brgy. Paliparan 1 sa nabanggit na lungsod.

Ayon sa saksi na si Moises Ballesteros, nagkaroon muna ng mainitang pagtatalo ang biktima at mga suspek na pawang mga miyembro ng Pyro Mobtah Gang.

Ang mainitan nilang pagtatalo ay nauwi sa suntukan ng biktima at ni Borlagdaton ngunit nang napansin na dehado ang huli ay nagbunot umano ng sumpak si Mercado at inabot kay Borlagdaton na agad binaril si Deslate.

Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang mga suspek at iniwan ang walang buhay na biktima. (SIGRED ADSUARA)

 

141

Related posts

Leave a Comment