NAGNAKAW SA ATM, ENGINEER ARESTADO

CAVITE – Arestado sa Cavite Police ang isang 26-anyos na field engineer na suspek sa pagnanakaw ng pera sa Automated Teller Machine (ATM) na kanyang sinerbisyuhan sa loob ng Kapitolyo ng Trece Martires City sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang suspek na si Nicko O’neal Estrella, binata, residente sa Naic, Cavite, dinakip dahil sa reklamo ng Brinks Philippines Incorporated.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Eduardo Reyes ng Trece Martires City Police, dakong alas-5:00 noong Huwebes ng hapon nang arestuhin ang suspek sa loob ng Provincial Capitol sa Brgy. San Agustin, Trece Martires City.

Nauna rito, nagsagawa ng surveillance ang Brinks Philippines Incorporated sa pamagitan ni Romar Tomas, security director, hinggil sa bintang sa suspek na empleyado ng Diedold Nixdorf at second line maintenance sa serbisyo ng ATM sa Land Bank of the Philippines (LBP), ng pagnanakaw umano ng pera sa ATM.

Nakakontra ang LBP sa Brinks Philippines Inc. na in-charge sa servicing, replenishment ng ATM at cash-in transit.

Bago ang insidente, dakong alas-8:00 ng umaga nang nalaman nila na magre-repair ang suspek sa extractor ng ATM machine sa Kapitolyo ng Trece Martires City.

Nagbantay at minamanmanan ng ilang oras ng mga tauhan ni Tomas ang suspek na binuksan ang vault ng ATM machine, tinanggal ang extractor at tinangay ang cash na laman nito, muling ibinalik ang extractor at isinara ang ATM bago nito sinuri kung gumagana ang teller machine.

Sa puntong ito ay kinompronta nila ang suspek na inaresto ng mga pulis at nabawi ang P12,000 cash na kinuha mula sa ATM machine. (SIGFRED ADSUARA)

289

Related posts

Leave a Comment