HINDI umabot nang buhay sa pinagdalhang pagamutan ang isang 23-anyos na aircon installer makaraang makuryente sa grinder sa panulukan ng Syquia at Calderon streets sa Sta. Ana, Manila, iniulat ng pulisya nitong Biyernes.
Ayon sa ulat, dakong alas-3:15 noong Huwebes ng hapon nang ideklarang dead on arrival sa Sta. Ana Hospital ang biktimang si John Paul Talavera ng Extreme Cool Ref and Air Conditioning Services, at residente sa Macabebe, Pampanga.
Batay sa ulat ni Det. Erickson Aguilar ng Manila Police District -Homicide Section, nangyari ang insidente bandang alas-3:00 ng hapon noong Huwebes sa loob ng ini-renovate na Goldilocks Bakeshop sa naturang lugar.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagkakabit umano ng air conditioning unit ang biktima kasama sina Michael Talavera, 25, at Mark Neil Cano, nang pumosisyon ito sa ibabaw ng scaffolding.
Hinawakan umano ng biktima ng kanyang dalawang kamay ang grinder hanggang sa makuryente at nahulog mula sa scaffolding, at tinamaan pa si Michael sa balikat.
Nabatid na nakatayo pa ang biktima at nakalakad ng ilang metro bago tuluyang nawalan ng malay.
Mabilis na isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit hindi umabot nang buhay. (RENE CRISOSTOMO)
305
