NAKAPAGTALA ang Department of Health (DOH) ng mahigit 6,000 bagong kaso ng COVID-19 sa isang araw sa Pilipinas.
Ngayong araw ay 6,192 ang karagdagang kaso sa bansa kaya nasa 1,424,518 na ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng nasabing sakit mula noong nakalipas na taon.
Sa naturang bilang ay nasa 94.4 porsiyento ang gumaling o 1,344,063.
Umabot naman sa 2,212 ang mga bagong iniulat na gumaling ngunit nadagdagan ng 177 ang mga nasawi.
Dahil dito, ang death toll sa Pilipinas dahil sa COVID-19 ay nasa 24,973 na.
Samantala, tiniyak ni DOH Secretary Francisco Duque III sa publiko na wala pa silang naitatalang lokal na kaso ng Delta variant sa bansa.
Ayon kay Duque, ito’y dahil na rin sa ipinatutupad na istriktong border control at quarantine protocols.
“So far, walang local case ng Delta variant based sa Philippine Genome Center sa whole genome sequencing as part ng biosurveillance,” pahayag pa ni Duque, sa isang panayam.
Kamakalawa, sinabi ni Duque na pinag-aaralan ng mga eksperto ang posibleng pag-ban sa mga biyahero mula sa Indonesia dahil sa banta ng naturang variant of concern.
Matatandaang pinalawig ng pamahalaan ang travel restrictions sa mga biyahero mula sa United Arab Emirates, India, Pakistan, Sri Lanka, Oman, Nepal at Bangladesh hanggang sa Hulyo 15 bilang bahagi ng pag-iingat na makapasok sa Pilipinas ang Delta variant ng COVID-19.
