KASABAY ng pakikidalamhati sa aksidenteng naganap sa Patikul, Sulu nang mag-crash ang C-130 cargo plane na ikinamatay ng halos 50 katao kasama ang ilang sibilyan, hindi maiiwasang mangamba ang isang beteranong mambabatas sa Kamara na posibleng makuwestiyon ang kalidad ng air assets ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay House committee on national defense and security vice chairman Ruffy Biazon, kailangang madermina agad ang dahilan ng aksidente kung ito ay dahil sa human error, equipment failure o kaya weather disturbance, lalo na’t bagong bili ang naaksidenteng C-130 Hercules.
“Being newly acquired assets, should equipment failure be determined as the cause, it will bring to fore questions on the quality of the assets acquired or the maintenance capability of the unit involved,” ani Biazon.
Ang nasabing eroplano ay kabibili lang ng Pilipinas noong Enero 2021 mula sa Estados Unidos subalit napag-alaman na 1998 pa ito unang ginamit ng mga sundalong Amerikano.
Hindi ito ang unang aksidente na kinasangkutan ng bagong biling air asset ng AFP dahil noong Hunyo 23, 2021 ay bumagsak din ang S-70i Black Hawk Utility helicopter sa Capas, Tarlac na ikinamatay ng 6 sundalo at sibilyan.
Namatay naman ang piloto ng MD520MG helicopter nang bumagsak sa Getafe, Bohol noong April 27, 2021 habang noong Enero 16, 2021, nag-crash din ang UH-1H Huey helicopter kung saan namatay ang pitong sakay nito.
AFP modernization tuloy
Samantala, tiniyak ni House Speaker Lord Allan Velasco na tuloy ang modernisasyon sa AFP upang madagdagan ang air asset ng mga ito sa kabila ng mga nabanggit na aksidente.
“I can only give my word that we in the House of Representatives will include in the 2022 budget the modernization of the PAF’s fleet as well as ensure the proper training of personnel in handling modern equipment,” ani Velasco na nagpahatid ng pakikiramay sa Sandatahang Lakas at pamilya ng mga namatay na sundalo at sibilyan.
“There are simply no words that can be said to console those left behind by our brave military personnel, as well as the three civilians who died as a result of this disaster,” ani Velasco.
Ganito rin ang mensahe ni House Majority Leader Martin Romualdez na nagsabing kailangang pagkalooban ng full military honor ang mga namatay na sundalo at sagutin ang lahat ng gastusin ng mga nakaligtas at sugatan sa aksidente.
Paiimbestigahan sa Senado
Lubos ding nakiramay si Senador Grace Poe sa pamilya ng mga biktima ng bumagsak ng C-130 sa Sulu at hiniling sa liderato ng Senado na magsagawa ng kaukulang imbestigasyon.
“We mark this terrible loss of life with a reminder of the sacrifices our brave Filipino soldiers make each day in the name of duty to serve the country,” ayon kay Poe.
Kasabay nito, hiniling ng senador sa mga awtoridad na gawin ang lahat ng puwedeng gawin upang makuha ang mga nawawalang bangkay at bigyan ng kaukulang tulong ang pamilya ng mga biktima.
“We urge authorities to do all they can to rescue the missing and extend available assistance to the soldiers’ families,” aniya.
Kasabay nito, hiniling din ni Poe sa Senado na imbestigahan ang insidente upang makalikha ng patakaran na maiwasan ang naturang pangyayari sa hinaharap.
“At the right time, we expect a thorough investigation of the incident to see what can be done to avoid a repeat of the tragic crash and to put in place measures to make our military planes safe,” ayon sa senadora. (BERNARD TAGUINOD/ESTONG REYES)
128 