DRUG DEALER NALAMBAT NG PNP-PRO5 SA ALBAY

ARESTADO ang isang 29-anyos na drug dealer sa inilunsad na anti-narcotics operation ng mga tauhan ng PNP-PRO 5 na nasa pamumuno ni Police Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo, sa bayan ng Malilipot, lalawigan ng Albay.

Base sa isinumiteng report kay P/BGen. Estomo, bandang alas-8:45 ng gabi noong Lunes, nagsagawa ng buy-bust operation sa Phase 1, Brgy. Canaway, Malilipot, Albay ang pinagsanib na mga tauhan ng Malilipot MPS at Maritime Police Station.

Bago ang police operation ay nagsagawa ng intelligence and case build-up ang mga awtoridad saka inaresto ang suspek na si Mark Anthony Galon Fordan, residente ng nabanggit na lugar, makaraang bentahan ang poseur buyer ng P1,000 halaga ng umano’y shabu.

Bukod dito, nakuha pa sa suspek ang isang maliit na plastic sachet ng shabu at isang .38 kalibreng baril na kargado ng bala.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

“Sa muli, ang aming paalala sa mga tulak at supplier ng droga na walang puwang ang mga pasaway sa Bicolandia. Patuloy ang operasyon ng inyong Kasurog cops laban sa mga walang habas na nagbebenta ng illegal na droga. ‘Di kami magsasawang manghuli ng mga kawatan sa loob o labas man ng rehiyon. Ang patuloy na suportang natatanggap namin sa ating mamamayan ay sapat na para sa extra ordinaryong lakas na aming puhunan sa pagtugis sa mga nagtatago sa batas,” ayon kay P/BGen. Estomo. (JESSE KABEL)

143

Related posts

Leave a Comment