FIXERS SA BI TUTUGISIN

NAGLUNSAD ng crackdown ang Bureau of Immigration (BI) laban sa fixers bilang paghikayat sa publiko na i-report ang mga taong gumagawa ng transaksyon sa ahensya kapalit ang kabayaran.

Sa advisory ni Immigration Commissioner Jaime Morente, sinabi niyang “BI condemns any and all acts of fixing” at walang pinapayagang BI official o empleyado na makipagsabwatan sa kanilang mga aktibidades.

Idinagdag pa ni Morente, ipinagbabawal sa BI personnel ang pag-aalok ng mabilis na transaksyon na may kapalit na kabayaran o anumang konsiderasyon sa sinuman para sa serbisyo ng bureau.

Nagbabala pa ang BI chief, ang lalabag ay may kaukulang parusa na pagkakakulong ng hindi lalagpas sa anim na taon o multa na hindi lalagpas sa P200,000 halaga.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Morente ang mga nabiktima ng fixers na mag-report sa Immigration Helpline via email immigration.helpline.ph@gmail.com, o sa BI’s Committee on Good Governance (CGG) at kanilang administrative division.

Ang CGG ay maaari ring maabot via bicggmain@gmail.com habang ang administrative division ay makokontak sa administrative@immigration.gov.ph.

“Those who wish to report incidence of fixing must submit a written complaint mentioning, among others, the name of the fixer, location of the office, date, time, type of transaction, narration of events, and the signature of the complainant,” payo pa ni Morente.

Nauna rito, may binuo si Morente na six-man BI Anti-Corruption Committee, sa pangunguna ni Deputy Commissioner J. Tobias Javier, na naatasang pag-aralan ang reporma at implementasyon ng mga programang magpapabawas, kung hindi man tuluyang masugpo ang korapsiyon sa ahensya.

Ang nasabing committee ay direktang makikipag-ugnayan at makikipagtulungan sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na nangangasiwa sa anti-corruption programs and activities sa BI.

“We have likewise coordinated with other law enforcement agencies to initiate investigations against fixers pretending to be employees of the BI,” pagbabahagi pa ni Morente. (JOEL O. AMONGO)

525

Related posts

Leave a Comment