2 PUSHER NAKORNER SA CALOOCAN BUY-BUST

ARESTADO ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga kabilang ang isang online seller, sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City nitong Miyerkoles ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan police chief, Col. Samuel Mina Jr., ang arestadong mga suspek na sina Miguel Cantos, 20, residente ng Cubao, at Justin Merdigia, 28, online seller, ng Brgy. West Kamias, Quezon City.

Ayon kay Col. Mina, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon mula sa isang regular confidential informant (RCI) hinggil sa umano’y pagbebenta ng ilegal na droga ni Cantos kaya’t isinailalim sa isang linggong validation.

Nang makumpirma ang ulat, isinagawa ng mga operatiba ng SDEU, sa pangunguna ni P/Maj. Deo Cabildo, kasama ang 6th MFC RMFB-NCRPO, ang buy-bust operation sa C4 Road, Brgy. 49, Caloocan City na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-2:00 ng madaling araw.

Nakuha sa mga suspek ang 400 gramo ng hinihinalang marijuana na P48,000 ang halaga, buy-bust money, at isang puting Toyota Rush.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (FRANCIS SORIANO)

106

Related posts

Leave a Comment