(BERNARD TAGUINOD)
KINUWESTYON sa mababang kapulungan ng Kongreso ang paggamit ng partido ni Pangulong Rodrigo Duterte sa assets ng gobyerno para isulong ang kanilang political interest partikular na ang pagpapatakbo sa kanya bilang pangalawang pangulo sa 2022 election.
Ginawa ni House deputy minority leader Carlos Zarate ang pagkuwestiyon matapos iere sa PTV 4 at RTVM ang pulong ng PDP-Laban noong Martes ng gabi na tumagal ng dalawang oras.
“This is an unabashed display of impunity in using government time and resources for a clearly partisan political activity aimed at pandering the whims of Pres. Duterte to escape accountability and extend his tyrannical influence, control and power beyond June 30, 2022,” ani Zarate.
Ayon sa mambabatas, pag-aari ng sambayanang Filipino ang PTV dahil sila ang nagbabayad ng airtime sa pamamagitan ng kanilang buwis kaya hindi umano ito dapat gamitin sa pulitika.
Wala umanong problema na iulat ng nasabing istasyon ang lahat ng mga aktibidad at mensahe ng pangulo at kaniyang mga tauhan subalit hindi sa pulitika tulad ng pag-ere sa pulong ng PDP-Laban na walang kinalaman sa pagganap ng pangulo sa kanyang tungkulin.
“Has the government station become the private property of PDP-Laban or is it in line with Pres. Duterte’s penchant for claiming taxpayer’s paid services and personnel as his own?” tanong pa ng mambabatas.
Pinuna rin ng mambabatas ang paggamit umano ng isang politiko sa PTV 4 sa kaniyang political ambition dahil halos lahat ng programa ng nasabing istasyon ay nakabalandra ang mukha nito.
Hindi na nagbanggit ng pangalan si Zarate kung sino ang politikong ito na kanyang tinawag na “favored presumptive candidate of the president” subalit mistulang si Sen. Bong Go ang kanyang tinutukoy dahil laging extra ang senador sa halos lahat ng programa ng nasabing istasyon.
Dito rin ineere ang kaniyang mga ginagawa at mistulang pag-aari na nito ang government asset na ito.
“Is this also the reason why RTVM and PTV always have airtime for favored presumptive candidates of the president, especially when the program is simulcasted with other networks? They are trying to expand the media mileage and they have been doing this early on,” ani Zarate.
160 