TATLO pa ang naitalang namatay dahil sa COVID-19 sa Valenzuela City noong Hulyo 23.
Bunsod nito ay 552 na ang COVID death toll sa lungsod, habang umakyat naman sa 329 ang active cases matapos na 54 ang nagpositibo at 38 lamang ang gumaling.
Pumalo na sa 21,379 ang confirmed cases sa siyudad at sa nasabing bilang ay 20,498 na ang gumaling.
Samantala, pansamantalang ipinagbabawal ang pagdalaw sa Bahay Kalinga, Bahay Pag-asa at Bahay Kanlungan para maprotektahan sa banta ng COVID-19 ang mga inabandonang lolo’t lola at Children in Conflict with the Law sa Valenzuela.
Sa kabilang dako, ayon sa Malabon City Health Department, 32 ang nadagdag na confirmed cases noong Hulyo 23 at sa kabuuan ay 13,787 ang positive cases sa lungsod, 133 dito ang active cases.
Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangay Baritan (5), Concepcion (1), Flores (1), Hulong Duhat (5), Longos (2), Muzon (1), Niugan (2), Potrero (2), San Agustin (7), Santulan (1), Tinajeros (3), at Tugatog (2).
Sa kabilang banda, apat na pasyente lamang ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sila ay mula sa Barangays Bayan-bayanan (2), Muzon (1), at Tugatog (1). Sa kabuuan ay 13,196 na ang recovered patients ng Malabon at mapalad na hindi nadagdagan ang 458 na COVID death toll.
Huli namang naitalang 169 ang active COVID cases sa Navotas matapos na 19 ang mahawaan at 13 ang gumaling.
Sumampa na sa 11,309 ang nasapul ng pandemya sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 10,762 na ang nakarekober at hindi naman nadagdagan ang 378 na namatay.
Wala pang inilalabas na COVID-19 cases update ang Caloocan City. (ALAIN AJERO)
183 