SA pagbabalik ng sesyon ng Senado sa 3rd Regular session ng 18th Congress, inihayag ni Senador Joel Villanueva ang apat na priority bills para sa kapakanan ng manggagawa, sa loob at labas ng bansa, bago sumapit ang halalan sa 2022.
Ayon kay Villanueva, nangunguna sa tututukan ng Senate committee on labor and employment na kanyang pinamumunuan ang pagtatatag ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos.
“Napapanahon na pong magkaroon ng isang bahay para sa ating mga OFWs at migrant Filipinos. Mas dama po natin ang kanilang mga suliranin ngayong pandemya,” aniya.
Kasunod nito, sinabi ng senador mula sa Bulacan na isasalang na rin ang pagtataguyod ng Magna Carta of Filipino Seafarers.
“Long overdue na po ito para sa ating mga Filipino seafarers na kumakatawan sa 1 sa bawat 3 seafarer sa buong mundo,” giit ni Villanueva.
Isasalang din ang Digital Careers Framework at Freelancers Protection bill upang maproteksiyunan ang delivery riders laban sa mapang-abusong employer, bigyan sila ng sapat na kumpensasyon at kaukulang benepisyo.
Idinagdag pa ni Villanueva na nakatakdang tutukan ng Senado ang Ending Endo Bill na vineto ni Pangulong Duterte noong nakaraang Kongreso.
“Pasado na po sa Senado ang panukalang Ending Endo, ngunit hanggang sa ngayon, hindi po malinaw ang basehan ng veto. Hiniling na po natin sa executive ang kanilang proposal upang matalakay na po natin ito sa committee,” giit ng senador. (ESTONG REYES)
170 