CAVITE – Patay ang isang rider habang kritikal ang kalagayan sa pagamutan ng isa pang biktima makaraang magsalpukan ang kanilang minamanehong motorsiklo dahil sa pag-overtake ng huli sa bayan ng Naic noong Miyerkoles ng umaga.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng biktimang namatay na nakasuot ng itim na t-shirt at itim na short na idineklarang dead on arrival sa San Lorenzo Hospital, habang isinugod sa Gen. Emilio Aguinaldo General Hospital ang isa pang rider na si Jeffrey Ciro, 26, ng Poblacion II, Ternate, Cavite na nasa kritikal na kalagayan.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Rodrigo Veloso III ng Naic Police Station, dakong alas-6:00 ng umaga nang mangyari ang insidente sa Antero Soriano Highway sa Brgy. San Roque, Naic, Cavite kung saan minamaneho ng biktimang namatay, ang kanyang motorsiklo patungo sa direksiyon ng Maragondon, habang sa opposite direction naman si Ciro patungo sa Tanza.
Ngunit pagsapit sa nabanggit na lugar, nag-overtake umano si Ciro dahilan upang magsalpukan ang dalawang motorsiklo.
Kapwa nagkaroon ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang dalawa na kapwa isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ang biktimang hindi pa nakikilala. (SIGFRED ADSUARA)
